Ang Pilipinas ang pinakamahusay na Southeast Asian (SEA) team sa 22nd Asian U20 Athletics Championships na ginanap sa Hong Kong.
Nakakuha ng medalya sina Ana Bhianca Espenilla (silver) at Jerico Cadag (bronze) na nag-angat sa Team Philippines sa ika-13 puwesto overall, pinakamataas sa rehiyon sa pangunahing kompetisyon sa athletics sa Asya.
Nagpadala ang Thailand ng mahigit 20 atleta at nagtapos sa ika-14 puwesto sa pangkalahatan na may isang pilak na medalya lamang.
Si Espenilla, 19, ay nagtala ng personal-best na 52.20 metro sa kanyang ikaanim at huling paghagis sa shot put, na nagdala sa kanya sa ikalawang puwesto sa hanay ng 13 kalahok.
Pinatunayan naman ni Cadag, 18, ang kanyang husay sa men’s 3000m steeplechase final matapos magtala ng 9 minutes at 35.10 seconds upang masungkit ang tansong medalya.
Ang ginto ay nakuha ni Nikhil Chandrashekar ng India (9:25.44) samantalang pilak ang kay Yuu Kato ng Japan (9:27.30).
“These under-20 athletes across Asia have become faster and stronger, and the field is tougher than ever,’’ ani Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) president Terry Capistrano.
“Watching the competition from beyond Southeast Asia perform at such an exceptional level compels us to train harder, prepare smarter and take it even further.”
Nangibabaw ang China sa kampeonato sa pamamagitan ng 14 ginto, 9 pilak at 2 tansong medalya. Sumunod naman ang India na may kabuuang 10 ginto, 5 pilak at 4 na tanso.
Makakasama ni Espenilla sina Jeralyn Rodriguez (400m), Naomi Cesar (800m), at Ivan Cabanda (400m hurdles) sa World U20 Athletics Championships sa Oregon, USA sa Agosto 5 to 9.
Nakuha ni Rodriguez, 19, ang kanyang puwesto matapos magtala ng 54.83 segundo sa women’s 400m noong nakaraang linggo, na higit pa sa itinakdang qualification standard.
Kabilang din sa mga atletang Pilipino na lumaban sa Kai Tak Youth Sports Ground sina Sep Placido (women’s 5000m race walk), Jecel Vivas (women’s 400m at 100m hurdles), Pi Wangkay (men’s 100m) at Alfred Talplacido (men’s 400m).
“These championships are a true showcase of the continent’s finest young talents. What we are witnessing here is nothing less than the future of Asian athletics,’’ ani Capistrano.
Ang delegasyon ng Pilipinas ay suportado ng Philippine Sports Commission.
Pinangasiwaan nina PATAFA secretary general Jasper Tanhueco at Flaubert Cosue ang pitong miyembrong delegasyon, kasama ang mga coach na sina Roselyn Hamero at Jonah Genilza.


