Hinikayat ng Department of Energy (DOE) at SM Supermalls ang publiko na patayin ang non-essential lights at devices sa loob ng isang oras tuwing Sabado para makatulong sa national grid stability.
Sa ilalim ng programang “Oras Natin sa Efficiency,” (O.N.E. Campaign), hinihikayat ang households, businesses at institutions na patayin ang non-essential lights at devices mula 8 p.m. hanggang 9 p.m. kada Sabado. Layunin nitong bawasan ang peak electricity demand at bawasan ang epekto ng volatile global energy markets.
Pormal na inilunsad ang programa sa Pasay City sa pangunguna ni Energy Secretary Sharon S. Garin at SM Supermalls executives, kasabay ng symbolic illumination ng SM Mall of Asia Globe.
“Energy security is not achieved by government alone,” ani Garin. “Through O.N.E., we are asking the public to act together, every Saturday, for one hour, because when demand is reduced collectively, electricity bills become more manageable, supply becomes more stable, and the entire country benefits.”
Nakabatay ang kampanya sa Executive Order No. 110. Sumusunod din ito sa March 30, 2026 advisory ng DOE na humikayat sa 212 malls nationwide na magtipid sa kuryente. Ayon sa DOE, nakatipid na ang mga establisimyento ng mahigit 51,000 megawatt-hours ng electricity, katumbas ng halos P614 million sa estimated rate na P12 kada kilowatt-hour.
Ayon sa datos ng gobyerno, kung makikilahok ang lahat ng Filipino households, maaaring makatipid ang bansa ng tinatayang 6.56 gigawatts ng electricity kada taon, sapat para paandarin ang 32,783 homes sa loob ng isang buwan. Noong Earth Hour 2026, bumaba ng 145.43 megawatts ang nationwide power demand sa isang oras ng sabayang pagpatay ng ilaw at devices.
Bilang bahagi ng kampanya, nangako ang SM Supermalls na papatayin ang non-essential lighting at systems sa lahat ng properties nito sa itinakdang oras kada Sabado. Kasama rin sa sustainability efforts nito ang LED fixtures, smart cooling mechanisms, at electric vehicle charging docks.
Sumali rin sa kampanya sina Enzo Pineda, Bella Belen, Pauline Gaston, Celeste Cortesi, Michelle Dee, at Nicole Cordoves.
Payo ng DOE sa publiko: i-unplug ang standby electronics at itakda ang air conditioning units sa 24 hanggang 25 degrees Celsius sa one-hour energy-saving period.
Matapos ang rollout sa Mall of Asia, dadalhin ng DOE ang activation events sa Robinsons Malls, Ayala Malls, at Megaworld Lifestyle Malls, na may promotional activities hanggang June 2026. /Bistado


