Pinaalalahanan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang lahat ng passport applicants na kumuha lamang ng appointment sa official DFA Online Appointment System para masigurong valid at secure ang kanilang schedule.
Sa advisory na inilabas nitong May 25, sinabi ng DFA na dapat gamitin ng aplikante ang DFA Passport Appointment System sa https://passport.gov.ph/.
Sa official website na ito maaaring pumili ang aplikante ng preferred site, date, at time ng appointment. Dito rin dapat kumpletuhin ang lahat ng kinakailangang passport application information.
Nagbabala rin ang DFA laban sa mga unauthorized individuals at entities na nag-aalok ng passport appointment assistance sa social media at iba pang online platforms.
Partikular na binanggit ng ahensya ang Facebook page na “Philippine Passport Online Assistant.”
Ayon sa DFA, ang mga ganitong indibidwal at grupo ay hindi konektado sa ahensya at maling ipinapakita sa publiko na may access sila sa passport appointment slots.
Nililinlang umano nito ang applicants na maaaring makakuha ng appointment sa labas ng official appointment system.
Iginiit ng DFA na ang ganitong gawain ay paglabag sa Republic Act No. 11983, o New Philippine Passport Act, at sa implementing rules and regulations nito.
Pinayuhan ng DFA ang publiko na huwag makipagtransaksyon sa hindi awtorisadong tao, page, o online account na nag-aalok ng appointment slots.
Para sa kahina-hinalang aktibidad, maaaring mag-report sa pinakamalapit na Consular Office.
Maaari ring gamitin ang official email addresses na nasa Consular Office directory sa https://consular.dfa.gov.ph/directory-co/.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bisitahin ang DFA Consular website sa https://consular.dfa.gov.ph/. /Bistado


