Pinapabilis ng National Food Authority (NFA) ang paggiling ng nakaimbak na palay sa Bicol Region para palakihin ang reserba ng bigas, luwagan ang mga bodega, at suportahan ang P20 rice program ng gobyerno sa gitna ng tumataas na pressure sa inflation.
Nakumpleto na ng NFA ang emergency procurement ng milling services sa Bicol, kasunod ng nauna nitong pagbili ng katulad na serbisyo sa Region 12 sa Mindanao. Inaasahan ding matatapos na ang mas marami pang milling contracts sa ibang rehiyon.
Sa Bicol, anim na millers sa Albay at Sorsogon ang kinontrata ng NFA para iproseso ang 114,743 bags ng palay na tig-50 kilo. Katumbas ito ng tinatayang 74,580 bags ng bigas. Nasa P19.1 million ang halaga ng kontrata.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., na chairman din ng NFA Council, layunin ng hakbang na palakasin ang kakayahan ng NFA na bumili pa ng mas maraming palay mula sa local farmers habang pinatatatag ang food security ng bansa.
“ Ang inisyatibang ito ay magiging daan para sabay-sabay na mapalawak ang kapasidad ng mga bodega, maitatag ang mas malakas na reserba ng bigas sa oras ng kagipitan, at mapanatili ang abot-kayang programa sa bigas sa mga panahong lumalakas ang panganib sa inflation,” ani Tiu Laurel. “Dahil sa pagtaas ng pandaigdigang presyo ng langis dahil sa geopolitical tensions sa Gitnang Silangan, mas lalong dapat na protektahan ang Filipino consumers mula sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.”
Nanatiling sensitibong bilihin ang bigas sa usapin ng inflation. Batay sa data ng Philippine Statistics Authority, halos 9 percent ng gastos ng ordinaryong Filipino family ay napupunta sa bigas, at halos doble ito sa low-income families.
Ayon sa mga ekonomista, malaking tulak ang bigas sa overall inflation, lalo na kapag may external supply shocks at energy crisis.
Nakatulong ang mga hakbang ng Department of Agriculture mula noong nakaraang taon para mapatatag ang presyo ng bigas at pigilan ang inflation pressure hanggang March. Pero nang tumaas ang presyo ng langis dahil sa tensyon sa pagitan ng United States, Israel at Iran, umakyat ang inflation mula mas mababa sa 2.5 percent sa loob ng 13 sunod-sunod na buwan hanggang February, tungo sa 4.1 percent noong March at 7.2 percent noong April.
Nagpatupad na si President Ferdinand Marcos Jr. ng P50 per kilo price ceiling sa imported rice na may 5 percent broken grains. Nag-anunsyo rin ang DA ng P53 per kilo suggested retail price para sa local rice.
Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, ang paggiling ng nakaimbak na palay ay makatutulong sa inventory management at emergency readiness ng ahensya.
“Sa pagpapabilis ng paggiling ng mga supply, hindi lang pinapalakas ang kahandaan ng reserba para sa mga sakuna kundi nagbibigay-daan ito ng puwang para makabili ng dagdag na palay direkta mula sa mga magsasaka sa panahon ng anihan,” ani Lacson. “Binibigyan nito ang gobyerno ng mas kakayahang umangkop para suportahan ang inisyatiba ng Pangulo na P20 per kilo at pagpapatatag sa supply sa mga mahihinang palengke.” /Bistado


