Nakakuha ang Aboitiz Equity Ventures, Inc. (AEV) ng “A-” long-term foreign currency issuer rating na may Stable outlook mula sa Japan Credit Rating Agency, Ltd. (JCR), patunay umano ng investment-grade standing ng kumpanya at lakas ng diversified businesses nito.
Ayon sa review ng JCR, matatag ang business foundation ng AEV at maaasahan ang cash flow nito.
Pagsapit ng 2025, ang non-power operations ay bumuo na ng 42 percent ng kabuuang earnings before interest, taxes, depreciation, and amortization ng grupo. Ipinapakita nito ang progreso ng AEV sa pagbabalanse ng income sources lampas sa core power business nito.
Kabilang sa key growth drivers na tinukoy ng JCR ang Union Bank of the Philippines, Aboitiz InfraCapital, at Coca-Cola Europacific Aboitiz Philippines, na nagpapalawak sa operasyon ng grupo sa banking, infrastructure, at consumer markets.
Kinilala rin ng JCR ang investments ng AEV sa renewable energy, liquefied natural gas, airports, water, at digital infrastructure bilang mga hakbang na sumusuporta sa long-term growth.
Itinuring din na positibong hakbang ang planong partnership ng Aboitiz InfraCapital at Global Infrastructure Partners para sa infrastructure division nito.
Ayon sa JCR, inaasahang mapapanatili ng AEV ang healthy financial position kahit may global market shifts, mataas na fuel costs, at geopolitical risks.
Nakabatay ang stability ng grupo sa long-term power sales contracts, diversified operations, at mahigpit na financial policies.
Pinuri rin ng agency ang paglipat ng grupo tungo sa cleaner energy sources, na nakaayon sa national energy goals ng Pilipinas.
Bilang isa sa malalaking conglomerates sa bansa, nakikinabang ang AEV sa steady income mula sa power business at lumalaking ambag mula sa banking, real estate, food, at infrastructure.
Tinukoy ng JCR ang prudent money management, strong cash reserves, at low debt levels bilang mahahalagang dahilan sa ibinigay na rating.
Ang JCR ay isang global credit rating agency na sumusuri sa financial strength at credit reliability ng mga kumpanya.
Ayon kay AEV Group President and CEO Sabin M. Aboitiz, ipinapakita ng rating ang lakas ng portfolio ng grupo, tibay ng operations, at disiplinadong approach sa growth.
Dagdag niya, habang lumalawak ang AEV, mananatili ang focus nito sa sustainable value creation habang pinananatiling matatag ang finances at operations. /Bistado


