Nag-walkout ang ilang minority senators sa plenaryo nitong Martes matapos ipilit ng majority bloc ang pagtalakay sa panukalang amyendahan ang Senate rules para payagan ang remote participation at electronic voting.
Nagsimula ang tensyon bandang gabi habang binubuhay muli ang usapin sa proposal ni Sen. Rodante Marcoleta na payagan ang isang senador, kung may justifiable reason, na makilahok sa session sa pamamagitan ng teleconference, video conference, o iba pang electronic means.
Para sa minority bloc, mali ang proseso. Giit nila, na-refer na sa Committee on Rules ang panukala kaya doon muna ito dapat talakayin. Sinabi rin nilang hindi pa nabubuo ang nasabing committee.
Pero iginiit ng majority bloc, kabilang si Senate President Alan Peter Cayetano, na pinapayagan ng rules ang pagtalakay sa panukala sa floor. Nang hindi magkasundo ang dalawang panig, sinabi ni Cayetano na idaan na lamang sa botohan.
Doon na kumalas ang ilang minority senators. Umalis sila sa plenaryo, dahilan para mawalan ng quorum ang majority bloc. Dahil dito, nasuspinde ang legislative proceedings at maagang nag-adjourn ang Senado hanggang 5 p.m. ng Monday, June 1.
“Mali yung rules, mali ang proseso. Wala pa ngang debate sa substance, hindi sila sumusunod sa proseso,” ani Sen. Risa Hontiveros habang lumalabas ng plenary hall.
Isa sa pinakamainit na tanong sa floor ay kung bakit minamadali ang rule change.
“Why is the majority in such a hurry to tackle this motion… allowing a senator… to attend and participate in the session through teleconference? Is it because they’re in a hurry because of news reports that probably two of our colleagues might land in jail this weekend? Is that the reason why?” ani Sen. Erwin Tulfo.
Ayon sa mga ulat, mas naging sensitibo ang panukala dahil una itong inihain ni Marcoleta noong araw na muling lumitaw sa Senado si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, na may arrest warrant mula sa International Criminal Court kaugnay ng drug war case.
Sinuri rin ang posibleng epekto nito sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte. Ang tanong ng mga kumokontra: kung papayagan ang remote participation at electronic voting sa ordinaryong session, magagamit din ba ito sa impeachment trial?
Nauna nang nagpahayag si Sen. Panfilo Lacson ng duda sa rule change, dahil ang umiiral na guidelines ay naglilimita sa remote sessions sa national emergencies o force majeure. Ayon sa kanya, ang pag-amyenda sa yugtong ito ay maaaring magdulot pa ng delay sa impeachment proceedings.
Bago ang walkout, naging mainit din ang bangayan matapos batikusin ni Marcoleta ang mga kumokontrang senador at banggitin ang umano’y kakulangan nila sa legal background. /Bistado


