Tiniyak ng pamahalaan ang suporta sa pagpapalakas ng school sports clubs at pagpapalawak ng mga oportunidad sa organisadong sports.
Sa pagbubukas ng 2026 Palarong Pambansa sa Agusan del Sur nitong Linggo, ipinaabot ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ang sports ay hindi lamang nagpapalakas ng pangangatawan, kundi nagtuturo rin ng disiplina, teamwork, respeto, tiyaga at tiwala sa sarili sa kabataan.
“Hindi lang para sa paligsahan, kundi upang ipagdiwang ang galing, talento, at sipag ng mga kabataang Pilipino. Kayo ang mga pinakamagagaling na student-athletes sa inyong mga paaralan (Not just for the competition, but to celebrate the brilliance, talent, and hard work of Filipino youth. You are the best student-athletes in your schools),” ayon sa mensahe ng Pangulo na binasa ni Special Assistant to the President Antonio Ernesto F. Lagdameo Jr.
Taglay ang temang “Unlocking the Future Through Sports,” tinipon ng Palaro ang mga delegado mula sa 18 rehiyon at mga kinatawan mula sa National Academy of Sports at Philippine Sports Overseas.
Ang opisyal na kabuuang bilang ng mga student-athletes na kalahok ngayong taon ay 10,718.
Karamihan ay sumali sa parada sa malawak at bagong renovate na Lipus Makapandong Democrito O. Plaza Sports Complex sa bayan ng Prosperidad.
Ang multi-sports event ay mula Mayo 24 hanggang 31.
Ibinalita ng Pangulong Marcos na namahagi ang Department of Education (DepEd) ng sports equipment at supplies sa mahigit 6,000 paaralan mula 2022 hanggang 2025 upang makatulong sa pagpapabuti ng training ng mga batang atleta.
Binigyang-diin ng Pangulo ang “Grassroots to Gold” Program ng DepEd at Philippine Sports Commission, na layuning gabayan ang mga batang atleta hanggang sa mas mataas na antas ng international sports.
Binanggit ng Pangulo ang kamakailang tagumpay ng mga Filipino student-athletes sa international tournaments, kabilang ang ASEAN School Games sa Brunei kung saan nakamit ng bansa ang 43 medalya.
Pinuri rin ni Pangulong Marcos ang mga kabataang atletang Pilipino sa pagkapanalo ng medals sa taekwondo, paghusay sa world youth table tennis competitions, at dominasyon sa regional swimming tournaments sa Asia.
Aniya, pinatutunayan ng mga tagumpay na ito na kayang makipagsabayan ng mga atletang Pilipino sa pinakamahusay sa mundo kung mabibigyan ng sapat na suporta at oportunidad upang magtagumpay.
Tinapos ni Pangulong Marcos ang kanyang mensahe sa paghikayat sa lahat ng kalahok na maglaro nang may dangal, kababaang-loob at sportsmanship.
Pinaalalahanan din niya ang mga mananalo at hindi papalarin na ang bawat kompetisyon ay pagkakataon upang matuto, lumago at magbigay-inspirasyon.
“Sa ating mga kabataang atleta, ito ang hiling ko sa inyo: Mag-enjoy kayo sa paligsahang ito. Ibigay ninyo ang buong puso sa paglalaro. Lumaban nang may dangal at igalang ang kapwa ninyong atleta (To our young athletes, this is my request to you: Enjoy this competition. Give your all in the game. Compete with honor and respect your fellow athletes),” sabi ng Pangulo.
Samantala, si Chrisia Mae Tajarros ng Eastern Visayas ang unang gold medalist ng 2026 Palarong Pambansa matapos mangibabaw sa athletics 3,000-meter event para sa secondary girls.
Ang taga-Leyte na si Tajarros din ang unang gold medalist noong 2025 Palarong Pambansa sa Ilocos Norte.
Si Angel Lumacang ng Eastern Visayas din ang nagkamit ng pilak, habang tanso ang nai-uwi ni Charlene Cos ng Davao.


