Naghain ang Department of Agriculture (DA) ng pormal na reklamo sa Office of the Ombudsman laban sa ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga pribadong kontratista kaugnay ng walong umano’y “ghost” farm-to-market road projects sa Davao Occidental na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P94 milyon.
Pinangunahan ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. ang paghahain ng reklamo noong Huwebes. Sakop ng mga reklamo ang alegasyon ng korapsyon, malversation o paglustay ng pondo ng bayan, pamemeke ng pampublikong dokumento, grave misconduct, at serious dishonesty.
Isa sa mga reklamong inihain ay laban kina DPWH Davao Occidental District Engineer Rodrigo C. Larete; Project Engineer at OIC-Chief of Construction Section Joel M. Lumogdang; OIC-Assistant District Engineer Michael P. Awa; Quality Assurance Officer Jafel C. Faunillan; Acting Finance Chief Czar Ryan S. Ubungen; at pribadong kontratistang si Leonila P. Urgel ng RDF Construction and Supply.
Sentro ng kasong ito ang umano’y “ghost” FMR project sa Barangay Caburan, Jose Abad Santos, na binayaran umano nang buo sa halagang P11.94 milyon kahit hindi naipatupad.
Ayon sa reklamo, pineke umano ang Statements of Work Accomplished, Certificates of Payment, at Disbursement Vouchers para palabasing tapos ang proyekto at mailabas ang pondo ng bayan.
Isa pang reklamo ang inihain laban sa parehong mga opisyal ng DPWH at sa Masulot Construction, na kinakatawan ni Maligamama L. Medtamak, kaugnay ng Brgy. Caburan Small FMR sa Jose Abad Santos. Ang proyekto ay may kontratang P11.92 milyon sa ilalim ng DA FMR Development Program.
Ayon sa DA, ipinakita ng field validation ng DA-Internal Audit Service (IAS) na hindi rin ito naipatupad kahit pinalabas umanong kumpleto ang proyekto.
Kasama rin sa iba pang reklamo sina Larete, Lumogdang, Villaver, Awa, Faunillan, at Ubungen, kasama ang mga kontratistang sina Florentino D. Pesigan Jr. ng YPR General Contractor, Abdulaziz U. Kadil ng Al Handasa Construction, Marivic B. Juanites ng Janmarie Construction, Diana S. Borbon ng DISEM Construction and Supply, Allen P. Borbon ng Adan Builders Co., at Marvin Lata Cumbe at Honorio Cumbe ng HVC Sagittarius Commercial and Construction.
Sakop ng mga kasong ito ang FMR projects sa Brgys. Culaman, Datu Danwata, Demoloc, Tical, at Manuel Peralta. Ang halaga ng mga kontrata ay mula P10.02 milyon hanggang P14.92 milyon.
Giit ng DA, nagsabwatan umano ang mga respondent para magsumite ng pekeng SWAs, Certificates of Payment, Project Status Reports, at Disbursement Vouchers para makakuha ng bayad sa mga proyektong hindi naman naipatupad.
“Nananatiling nakatuon ang DA sa pagpapanatili ng pananagutan at transparency sa paggamit ng pondo ng bayan, lalo na sa mga programang inilaan para sa kapakinabangan ng ating mga magsasaka at komunidad sa kanayunan,” ayon kay Tiu Laurel.
Dagdag pa niya, magpapatuloy ang imbestigasyon ng DA-IAS at Inspectorate and Enforcement sa posibleng sabwatan ng regional personnel ng DA, DPWH officials, at contractors.
“Hindi kami titigil hangga’t hindi napapanagot ang lahat ng sangkot sa korapsyong ito,” ani Tiu Laurel.
Nananawagan ang DA sa Ombudsman na imbestigahan at panagutin ang mga responsable. Ang mga umano’y paglabag ay may katumbas na parusang pagkakakulong ng hanggang 20 taon, multa, at habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng pampublikong posisyon. /Bistado


