Itinalaga ni President Ferdinand Marcos Jr. si dating budget official at UP professor Kim Robert de Leon bilang bagong secretary ng Department of Budget and Management (DBM), ayon sa Malacañang.
Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro nitong Lunes na manunumpa si De Leon sa harap ng Pangulo sa Martes, May 19. Sa appointment na ito, si De Leon ang magiging pinakabatang miyembro ng Marcos Cabinet.
Hindi na bago sa budget at transport bureaucracy si De Leon. Nagsilbi siya bilang DBM undersecretary mula 2021 hanggang 2022 bago lumipat sa Department of Transportation, kung saan naging undersecretary rin siya.
Nagkaroon din siya ng posisyon sa Office of the President bilang Director III at presidential staff officer.
Papalitan ni De Leon sa DBM leadership ang nakaraang pamunuan sa panahong kritikal ang papel ng ahensya sa budget execution, fiscal planning, at pagtiyak na ang pondo ng gobyerno ay mailalabas sa mga programang dapat makinabang ang publiko.
Bilang bagong budget chief, hahawakan ni De Leon ang isa sa pinakamabigat na puwesto sa gabinete: ang pagbabantay sa paggamit ng pondo ng bayan, pagrepaso sa spending priorities ng national government, at pagtutok sa mga budgetary requirement ng mga ahensya.
Ang DBM ang pangunahing ahensya sa paghahanda, pamamahala, at pagpapatupad ng national budget. Kaya sa gitna ng mga panawagan para sa mas mahigpit na transparency at mas maayos na paggastos, mabigat ang inaasahan sa bagong kalihim. /Bistado


