Nagbabala ang Department of Agriculture (DA) na maaaring makulong, pagmultahin ng hanggang P1 milyon, o mapasara ang negosyo ng mga rice retailer, trader, at importer na lalabag sa bagong price ceiling sa imported rice.
Iniutos ni President Ferdinand Marcos Jr. ang 30-day price ceiling sa imported 5 percent broken rice para pigilan ang hindi makatwirang taas-presyo sa merkado, kahit bumaba na ang world rice prices at taripa sa importasyon.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., mas matibay ngayon ang enforcement power ng gobyerno kumpara sa dating price intervention.
“Hindi tulad ng nakaraang maximum suggested retail price na nakabatay lamang sa moral suasion at boluntaryong pagsunod, nagbibigay ngayon ang ipinag-uutos na price ceiling ng kapangyarihan sa Department of Agriculture na magpatupad ng kaukulang parusa at multa laban sa mga lalabag,” ani Tiu Laurel.
Sa ilalim ng Republic Act No. 7581 o Price Act, maaaring maparusahan ang lalabag sa price ceiling ng pagkakakulong mula isa hanggang sampung taon, multa mula P5,000 hanggang P1 milyon, o parehong parusa, depende sa pasya ng korte.
Itinuturing na pangunahing bilihin ang bigas sa ilalim ng batas, kaya saklaw ito ng regulatory powers ng DA kapag may labis o hindi makatwirang pagtaas ng presyo.
Bukod sa kasong kriminal, maaari ring magpatupad ang DA ng administrative penalties sa ilalim ng implementing rules ng Price Act. Kabilang dito ang temporary o permanent closure ng establisimyento, confiscation o seizure ng produktong sangkot sa paglabag, suspension o revocation ng permit at lisensya, at cease-and-desist order.
Maaari ring patawan ng administrative fine na mula P1,000 hanggang P1 milyon ang lumalabag na establisimyento.
Nakasaad din sa batas na maaaring personal na managot ang mga opisyal o empleyado ng korporasyong mapatutunayang lumabag sa price ceiling.
Ayon sa DA, paiigtingin ng monitoring teams at inspectors ang pag-iinspeksyon sa public markets, supermarkets, at rice retail outlets sa buong bansa habang umiiral ang 30-day price ceiling.
Maaari ring baguhin, palawigin, o alisin ang price ceiling matapos ang review.
Ayon sa mga opisyal, layunin ng temporary price ceiling na protektahan ang consumers laban sa profiteering at hindi makatwirang taas-presyo, habang pinatatatag ang presyo ng bigas sa gitna ng pressure mula sa food inflation. /Bistado


