Ayaw ng pahabain ng NLEX at Meralco ang daan patungo sa Final Four at target tapusin ang PBA Commissioner’s Cup quarterfinals ngayong gabi.
Unang maghaharap ang magkapatid na NLEX at TNT sa ganap na 5:15 p.m. sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila. Susundan ito ng pagtutuos ng Meralco at Magnolia simula 7:30 p.m.
Nanguna ang Road Warriors sa pagtatapos ng elimination round na may 10-2 kartada at kailangan lang ng isang panalo kontra No. 8 defending champion Tropang 5G upang umusad sa semifinals. Kung papalarin, ito ang una nila sa semis kasama si coach Jong Uichico.
Isang linggo pinaghandaan ng NLEX ang quarterfinals.
“Kung ano pagkukulang pa rin namin, we will try to work on it,” ani Uichico. “We’ll make use of the time.”
Samantala, maghaharap muli ang No. 4 Meralco at No. 5 Magnolia tatlong gabi matapos ang huling laban nila sa elimination round.
Tinapos ng Magnolia ang three-game winning streak ng Meralco noong Linggo, 93-76.
“We have a goal as a team. I think we are on the right track,”ani Magnolia coach LA Tenorio. “What I like about the team right now is how they respond to the challenge. They’re really locked in, they’re buying in the system na gusto kong iparating sa team. They really responded well, not only in the games, but in practice. They’re really locked in, they’re buying in the system na gusto kong iparating sa team, so iyon naman ang maganda sa team na ito.”
Sa Biyernes, maghaharap ang Rain Or Shine at San Miguel Beer simula 5:15 p.m. at Barangay Ginebra San Miguel at Phoenix sa ganap na 7:30 p.m. sa Ynares Center Antipolo.
Hawak ng Rain Or Shine at Ginebra ang twice-to-beat bonus.


