Nakasalalay ang kampanya ng Pilipinas kina Sebastian Neil Mañalac, Zian Alexander Sing at Aaleyah Magrata sa pagsisimula ng Karate One Youth League sa Mall of Asia Arena sa Pasay City sa Mayo 14.
Sa edad na 17, malawak ang ang international exposure ni Mañalac at inaasahan na isa sa magbibigay ng medalya para sa Pilipinas
Bihasa sa junior kumite (sparring), madalas syang manalo sa kanyang age group sa National Championships sa nakaraang limang taon. Palagi rin nag-uuwi ng gintong medalya mula sa Batang Pinoy National Games.
Nagwagi rin si Mañalac ng gold at bronze mula sa 22nd Asian Cadet, Junior and Under-21 Karate Championships na ginanap sa Philsports Arena sa Pasig City noong 2024, sapat na upang mag-No. 8 sa age group ranking ng World Karate Federation (WKF).
Ginto at bronze din ang nasungkit niya sa 1st Asian Karate Federation Youth sa Wuhan, China noong 2024 din.
Nito lang Pebrero, nakakuha sya ng dalawang panalo sa junior kumite men’s -68-kilogram class ng Karate One Youth League leg sa Fujairah, United Arab Emirates.
Si Sing na edad 17 din ay nanalo sa junior men’s 61kg cass ng 4th Shureido International Karate Cup sa Jakarta, Indonesia noong nakaraang taon. Gayundin sa 6th Manuel Veguillas Philippine International Open Karate Championship noong 2025 at sa isang national competition kamakailan sa Tagaytay City.
Si Magrata, na lumalaban sa kumite at kata (forms), ay sasabak sa juniors -66kg women’s kumite.
Noong 2025 Batang Pinoy National Games sa General Santos City, si Magrata ang nagwagi sa junior female intermediate kata, samantalang silver medalist sa cadets female +61kg division sa kumite.
Siya rin ang grand winner sa 2025 Karate Pilipinas juniors female kumite -66kg last year.
“All three young karatekas have been training very hard and I wouldn’t be surprised if they figure prominently in the battle for gold in their respective age group categories,” ani Ricky Lim, president ng Karate ng Pilipinas Sports Federation, Inc. (KPSFI).
“There may be others, but for now, Mañalac, Sing and Magrata are our brightest hopes for the Karate One Youth League Manila leg,” dagdag pa ni Lim.
Ang apat na araw na kompetisyon ay inorganisa ng KPSFI at Philippine Sports Commission at may basbas ng WKF.


