Umiskor si Monique Mendoza ng Ateneo ng 81 upang pangunahan ang women’s individual event sa pagsisimula ng UAAP Season 88 golf tournament sa Tagaytay Midlands sa Talisay, Batangas.
Pumangalawa si Annika Gozum ng University of the Philippines (UP) sa 82 at sinundan ni Julia Lua ng De La Salle na may 86.
Si Lua ang nanalo sa 1st ICTSI Intercollegiate Tournament noong isang taon at dinala ang La Salle sa kampeonato.
Pang-apat si Alexa Dacanay (87) ng La Salle, kasunod si Simi Tinio (88) ng Ateneo, Donnabel Magsino (92) ng La Salle, Andie Joson (94) ng Ateneo, Deborah Escote (96) ng University of Santo Tomas (UST), Ava Heredia (99) ng UP at Renee Heredia (100) ng Ateneo.
“The key was staying mentally strong. I played really poorly after the first nine, but I told myself to keep pushing and recover,” ani 21-anyos na si Mendoza.
Sa ladies’ team event, nangunguna ang Ateneo sa kabuuang 263, kasunod ang La Salle (265), UP (288), UST (302) at Adamson (365).
Sa men’s division, La Salle din ang nanguna nang umiskor si Perry Bucay ng 72, isang stroke kalamangan sa teammate na si Zachary Castro.
Humahabol sina Joshua Buenaventura (74) at Miggy Roque (75), na parehong taga-UP.
Magkasosyo sa fifth place sina Miguel Fusilero at Glenn Unabia ng Ateneo na may 76.
Green Archers din ang nanguna sa men’s team standings na may 221, lamang ng limang stroke sa UP.
Pumangatlo ang Ateneo (240), kabilang ang 80 ni Juan Escano at 84 ni Schmuel Tan. Ikatlong pwesto ang UST (261) at ikaapat ang Adamson (370).
Hindi kabilang sa overall medal tally ng UAAP ang resulta ng golf dahil ito ay demonstration sport pa lamang. Tatlong taon ang kontrata ng liga sa Pilipinas Golf Tournaments, Inc. para patakbuhin ang torneo.


