Sinubukan ngunit hindi kinaya ni Alexandra Eala ng Pilipinas ang world No. 2 na si Elena Rybakina ng Kazakhstan sa third round ng Italian Open sa Rome, Linggo ng gabi (PH time).
Nanaig si Rybakina, 6-4, 6-3, at hihintayin sa fourth round si Laura Siegemund ng Germany o si Karolína Plíšková ng Czech Republic.
Tanging si Rybakina lamang ang nakarating sa Round of 16 ng anim na WTA (Women’s Tennis Association) 1000 event ngayong taon.
Inaasahan na mula sa kasalukuyang No. 42, aakyat sa No. 38 si Eala sa susunod na update ng WTA world ranking.
Tinalo ng 20 anyos na si Eala si Magdalena Frech ng Poland, 6-0, 3-6, 6-4, sa first round, na sinundan ng 6-4, 6-3 panalo kontra world No. 31 Wang Xinyu ng China sa second round.
Inaasahan na puspusan na ang paghahanda ni Eala para sa French Open na magsisimula sa Mayo 18.
Kung magtatagal sa Paris, doon na magdiriwang ng ika-21 kaarawan si Eala sa Mayo 23.
Laglag na rin sa clay event ang top rank at world No. 1 na si Aryna Sabalenka ng Belarus nang matalo sa third round kay Sorana Cirstea ng Romania noong Sabado, 2-6, 6-3, 7-5.
“I’m very, very happy,” ani 36 anyos na si Cirstea, na nag-anunsyo na na huling taon na niya itong maglalaro.
“Aryna is an amazing player. I thought I played really well today. I’m working really, really hard. It’s nice to have this result as payoff.”
Halatang ininda ni Sabalenka ang kanyang likod at nagpatawag pa ng medical timeout sa third set habang lamang si Cirstea, 4-3.


