Kinumpleto ng San Miguel Beer ang walong koponan ng PBA Commissioner’s Cup quarterfinals matapos tambakan ang Terrafirma, 126-110, nitong Miyerkules sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila.
Ang iba pang qualifier ay No. 1 NLEX, Barangay Ginebra, Rain Or Shine, Meralco, Magnolia, Phoenix at TNT.
Hinihintay na lang ang final seeding at kung sino ang mga maghaharap sa quarterfinals.
Ang Road Warriors (10-2), Gin Kings (8-3) at Elasto Painters (8-3) ay sigurado na sa top four na makakakuha ng twice-to-beat bonus.
Nagpakawala ang import ng San Miguel na si Bennie Boatwright ng limang three points para sa kabuuan 33 puntos, katulong si June Mar Fajardo na gumawa ng 30 puntos at 16 rebound.
“Before this game, we told the team this is a very important game and we can’t afford to lose, especially since Terrafirma had a chance to make the top eight,” ani SMB coach Leo Austria.
“We had a bad start but because of our sense of urgency, we recovered and got the win.”
Bahagyang nakasilip ng pag-asa ang Terrafirma nang surpresahin ng kulelat na Macau ang Phoenix, 105-98, sa unang laro.
Ngunit nabigo ang Dyip na talunin ang San Miguel na maglalapit sana sa kanila sa record ng Fuel Masters (6-5).
Unang magbabakasyon ang Terrafirma (4-7), Converge (4-7), Macau (3-9), Titan Ultra (2-9) at Blackwater (2-9).


