Nagpaalala ang Philippine Health Insurance Corporation nitong Miyerkules tungkol sa expanded Z Benefits Package nito para sa cervical cancer, kasabay ng paggunita ng bansa sa Cervical Cancer Awareness Month ngayong May.
Sa advisory, sinabi ng state insurer na nag-aalok ito ng hanggang P175,000 financial support para sa advanced treatments ng sakit.
Ayon sa PhilHealth, mabigat sa katawan at emosyon ang cervical cancer, kaya inilatag ang malaking benefit amount para makatulong na bawasan ang gastusin ng mga pamilyang Pilipino.
Sakop ng Z Benefits Package ang fixed-rate subsidies para sa mga pasyenteng diagnosed with cervical cancer mula Stages IA1 hanggang IIIB.
Nasa P175,000 ang nakalaan para sa advanced chemoradiation. May P120,000 naman para sa chemoradiation o primary surgery.
Noong February, sinabi ng Philippine Cancer Society na humigit-kumulang 7,897 bagong kaso ng cervical cancer ang naitala sa loob ng isang taon. Tinatayang 12 kababaihan rin ang namamatay araw-araw dahil sa sakit.
Ang cervical cancer ang fourth leading cause ng cancer-related deaths sa Filipino women na edad 15 hanggang 44.
Bukod sa treatment subsidies, isinusulong din ng PhilHealth ang YAKAP, o Yaman ng Kalusugan Program, para mas mapadali ang access sa preventive services.
Hinihikayat ang members na bumisita sa YAKAP Clinics para sa pap smears, na mahalaga sa early detection at management ng cervical cancer.
Muling iginiit ng PhilHealth na sa pamamagitan ng financial packages at primary care initiatives, patuloy itong magiging katuwang ng mga Pilipina sa laban kontra cervical cancer. /Bistado


