Sinelyuhan ng NLEX ang No. 1 seed matapos manalo kontra Titan Ultra sa overtime, 123-112, sa unang laro ng PBA Commissioner’s Cup nitong Martes sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila.
Muntik nang gulantangin ng Titan ang liga nang lumapit sa 106-107 matapos ang isang running jumper ni Jerrick Balanza at makuha muli ang bola.
Na-foul si import Michael Gilmore ngunit isang free throw lamang ang nagawa para sa panabla.
Hindi na pinaporma ng Road Warriors ang Giant Risers sa overtime upang tapusin ang elimination round na may 10-2 kartada.
Makakaharap nila ang No. 8 team sa quarterfinals simula Mayo 13.
May bitbit na twice-to-beat bonus ang top four seeds.
Nanguna para sa NLEX ang import na si Cady Lalanne na may 29 puntos at 18 rebounds, si Robert Bolick na may 25 puntos at 11 rebounds, at si Schonny Winston na gumawa ng 24.
Laglag sa huling pwesto ang Titan Ultra (2-9) kasama ang Macau at Blackwater.
Inamin ni coach Jong Uichico na nag-eksperimento sya, na maaaring dahilan kung bakit naghabol pa sila matapos ang halftime, 50- 59.
“I wasn’t planning on playing our starters a lot of minutes. I wanted also to give the others some playing time naman, na baka kakailanganin namin come the playoffs. So they can get their rhythm,” paliwanag ni Uichico.
“Kaya lang, sabi nga ni Berto (Bolick), hindi naging maganda iyong takbo ng laro so they ended up playing in the mid-30’s to high-30’s(minutes).”
Hindi rin masyadong nagustuhan ni Bolick ang resulta ng laro ng NLEX.
“Dapat hindi ganito ‘yung laro namin,” Bolick said. “Hindi pwede yung pili-pili ng laban. Hindi naman kami superior team gaya ng iba na pwede mag-relax. So for sure, yung mga video nito, maraming ipapakita si coach sa amin, ‘yung mga depensa na tine-take for granted.”
Sa second game, pormal nang pumasok sa quarterfinals ang Magnolia nang manalo kontra TNT, 106-94.
Tabla na sa No. 6 ang Magnolia at TNT (6-5).
Mag pag-asa pa rin makapasok sa susunod na round ang San Miguel Beer (5-5), Terrafirma (4-6) at Converge (4-7).


