Kahit ayaw pa nilang aminin na mag-dyowa na sila, obvious na obvious naman na ‘galawang’ magsyota na sina Dustin Yu at Bianca De Vera.
Halos hindi na nga nila maitago ang tunay na estado ng relasyon nila sa publiko. Lalo na nitong Linggo kung saan nag-uumapaw ang mga eksenang public display of affection (PDA) ng DustBia sa “Bida Sa Arena” celebrity basketball game na ginanap sa SM MOA Arena.
Trending nga ang video kung saan makikitang nagpabaon pa ng goodluck kiss ang aktres sa ka-loveteam niya. Siyempre, pinuntusan din ng faney ang ilang beses na yakapan at holding hands nilang dalawa.
Halos mawalan din ng boses si Bianca dahil sa kakatili niya kapag hawak ni Dustin ang bola.
Niloloko rin ng netizens ang PBB Kapamilya alumna na puwedeng-puwede na nga raw itong magsayaw ng tinikling dahil ilang beses itong natatalon sa side court.
Pero hindi nakatulong ang pagpapakilig ng DustBia para manalo ang Kapuso team dahil talo sila ng THE TH3RD FLOOR team nina Gerald Anderson at Richard Gutierrez, sa final score na 96-89.


