CAMP SK PENDATUN, Maguindanao del Norte – Mahigit P2 million halaga ng hinihinalang shabu ang narekober ng pulisya sa Lanao del Sur sa bahay na tinuluyan ng isang wanted person na nakatakas sa operasyon.
Sinabi ni Col. Caesar Cabuhat, Lanao del Sur police director, na narekober ang shabu sa hideout ng wanted person sa Barangay Catogonan, Buadiposo Buntong, Lanao del Sur noong Lunes ng umaga.
Target ng operasyon ang pagsisilbi ng warrant of arrest laban kay Sukair Diongcat para sa kasong murder at frustrated murder.
Nauwi sa madugong engkuwentro ang operasyon matapos paputukan ng ilang sniper ang mga miyembro ng Philippine National Police Special Operations Group, Special Action Force, at Buadiposo Buntong Municipal Police Station.
Limang pulis, kabilang ang isang police captain, ang nasugatan at isinugod sa ospital sa Marawi City. Doon idineklarang dead on arrival si Cpl. Kelvin Francisco.
“Aside from illegal drugs, police also found empty shells for an M16 rifle and two unexploded M203 grenades,” ani Cabuhat sa report nitong Martes.
Ayon kay Cabuhat, tinarget ng mga sniper ang likurang bahagi ng formation ng law enforcers. Dahil dito, nailihis ang atensyon ng mga pulis at nakatakas ang tatlong suspect.
Sinabi rin ni Cabuhat na posibleng tinamaan ang dalawa sa mga armadong lalaki pero nakatakas pa rin.
Nangako si Cabuhat na tutugisin ang mga suspect saan man sila tumakas para mabigyan ng hustisya ang napatay na pulis. /Bistado


