Nasa ikaapat na pwesto ang Team Philippines sa pagtatapos ng kampanya nito sa 6th Asian Beach Games sa Sanya, China nitong Miyerkules.
Tinalo ng host ang Gilas Pilipinas Women’s sa 3×3 finals, 21-13, sa Sanya Sports Centre Gymnasium.
Umiskor si Mikka Cacho ng 5 points, kasunod si Reynalyn Ferrer na may 4 at tig-dalawang puntos sina Kaye Pingol 2 at Elisha Bade 2.
Sa kabuuan, mag-uuwi ang Pilipinas ng tatlong ginto, apat na pilak at dalawang tanso.
Kasunod ng Pilipinas ang India (3-2-1) at Vietnam (2-5-5).
Lalaban para sa women’s beach handball gold ang Vietnam kontra China sa huling araw ng pagtitipon sa Hwebes ng umaga. Kung papalarin, aakyat ito sa 3-5-5 at ma-uungusan ang Pilipinas para sa No. 4.
Wala ng makakahabol sa China (24-17-13) para sa kampyonato, pangalawa ang Thailand (10-9-8) at pangatlo ang Iran (9-1-0).
Samantala, sa China rin yumuko ang men’s 3×3 team nang matalo sa laban para sa bronze medal, 13-21.
Ang Gilas Men’s ay binubuo nina Jeffrey Manday, Nicael Cabañero, Mark Angelo Crisostomo at Sean Aldous Torculas.
Bagama’t hindi nakasungkit ng medalya, nagtala naman ng bagong national record (6.08 segundo) si sports climber John Forones sa individual category noong Martes.
Binura ni Forones ang 7.5 segundo ng teammate na si Juan Miguel Azupardo na ginawa noong 33rd Southeast Asian Games sa Thailand noong Disymbre 2025.
Ang tatlong ginto ng Pilipinas ay mula kina Alexandria Enriquez at Annie Ramirez ng jiu-jitsu at Leonard Grospe ng high jump.
Si Simeon Gabriel Bejar ng handball team ang magdadala ng bandila ng Pilipinas sa closing ceremony.


