Bahagyang tumaas ang net income ng Philippine Airlines sa unang quarter ng taon, kahit may paglago sa kita at demand sa biyahe, ayon sa ulat ng airline.
Umakyat ng 2.6 percent ang net income ng PAL sa $78.77 million mula Enero hanggang Marso. Samantala, tumaas ang kabuuang kita ng 9.7 percent sa $895.70 million kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon sa airline, ang paglago ay sinuportahan ng steady passenger demand, mas mataas na cargo earnings, at pagtaas ng ancillary revenues.
Lumaki ang passenger revenue ng 8.7 percent sa $759.65 million, habang umabot sa 4.30 million ang bilang ng mga pasaherong naihatid, na mas mataas ng 6.1 percent year-on-year. Iniuugnay ito sa post-holiday travel at tuloy-tuloy na operasyon ng mga ruta.
Pinalawak din ng airline ang kapasidad sa pamamagitan ng pagdagdag ng flights at available seats para matugunan ang demand.
Tumaas ang cargo revenues ng 22.5 percent sa $43.21 million dahil sa mas mataas na yields at limitadong global airfreight capacity, lalo na sa mga rutang apektado ng disruptions sa Middle East. Umakyat din ang ancillary revenues ng 11.2 percent sa $83.56 million.
Umabot sa $101.85 million ang operating profit ng airline, habang ang operating costs ay tumaas ng 7.1 percent sa $793.85 million, na iniuugnay sa mas maraming flights at pagtaas ng presyo ng fuel.
Ayon kay airline president Richard Nuttall, ipinapakita ng resulta ang malakas na demand at maayos na operasyon, ngunit may epekto na ang tumitinding tensyon sa Middle East sa presyo ng fuel at global aviation.
Dagdag niya, patuloy na minamanage ng airline ang gastos at inaayos ang operasyon para maprotektahan ang kita, habang nananatiling kumpiyansa sa pangmatagalang performance sa kabila ng mga hamon sa kasalukuyan. /Bistado


