Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

NBI: Viral video ng ‘kill threat’ ni VP Sara, tunay at hindi AI

Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na authentic ang kumalat na video kung saan umano’y nagbanta si Vice President Sara Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at noo’y Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Sa pagdinig ng House Committee on Justice ngayong Miyerkules, April 29, sinabi ni NBI Agent John Mark Calilung na ang video noong November 23, 2024 ay sumailalim sa beripikasyon sa ilalim ng Affidavit of Authentication of Digital Evidence, na kalakip ng Affidavit of Investigation na isinumite sa komite.

Sa nasabing video na pinalabas sa hearing, maririnig si Duterte na nagsasabing: “Pt** ina ninyong lahat—Martin Romualdez, Liza Marcos, Bongbong Marcos. Huwag kang mag-alala, Ma’am, sa security ko, kasi may kinausap na ako na tao. Sabi ko sa kanya, kapag pinatay ako, patayin mo si BBM, si Liza Araneta, at si Martin Romualdez. No joke, no joke. Nagbilin na ako, Ma’am. ’Pag mamatay ako, sabi ko, huwag ka tumigil hanggang hindi mo mapatay sila.”

Ito rin ang parehong video na tinukoy sa ikatlo at ikaapat na impeachment complaints laban sa Bise Presidente, na nag-aakusa ng culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, at iba pang high crimes kaugnay ng umano’y banta.

Sa pagtatanong ni San Juan Rep. Ysabel Maria Zamora, vice chair ng komite, nilinaw ni Calilung na napatunayan sa authentication na hindi na-edit o minanipula ang video.

“Ang authentication po ay pagtiyak na ang video ay pareho at tunay na recording ng nangyari. Ini-ensure po namin na hindi ito edited, spliced, o AI-generated, Your Honor,” ani Calilung.

Ipinaliwanag din ng ahente ang ginamit na proseso para matiyak ang pagiging tunay ng video, kabilang ang pakikipag-ugnayan sa Meta Platforms para ma-preserve ang original URL, pagkuha ng screen recording ng livestream, at paggamit ng hash value computation.

“Ang hash value calculation po ay parang fingerprint ng digital file. Kung ma-edit ang video, magbabago ang hash value,” paliwanag niya.

Kinumpirma rin ni Calilung na ang video na ipinakita sa pagdinig ay mula mismo sa authenticated copy na isinumite ng NBI. “Yes, Your Honor. It is part of the authenticated video,” aniya.

Mahalaga ang development na ito dahil tinatanggal nito ang isa sa pangunahing isyu kung tunay ba ang video na ginagamit bilang ebidensya laban sa Bise Presidente.

Tinanggap ng komite ang video bilang bahagi ng opisyal na rekord, kasama ang sinumpaang ulat ng NBI, habang tinutukoy kung sapat ang ebidensya para magtatag ng probable cause sa impeachment case. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles