Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Mga kapitan ng 84 barangay na pinagkaitan ng ayuda, handang tumestigo sa Kongreso

Handang humarap at tumestigo sa Kongreso ang mga kapitan ng 84 barangay sa Batangas na umano’y hindi nabigyan ng kabuuang P16.8M ayuda sa ilalim ng programang “Bawat Barangay Makikinabang” noong April 24, kasabay ng panawagan na imbestigahan ang nangyari.

Ito ay kasunod ng paghahain ni Batangas 1st District Rep. Leandro Legarda Leviste ng resolusyon para imbestigahan ang umano’y aberya sa pamamahagi ng pondo.

Ayon sa mga kapitan, nakapagpasa sila ng kumpletong requirements at wala ring abiso na huwag silang dumalo, ngunit hindi umano sila inimbitahan ng Kapitolyo kahit inanunsyo na dapat naroon ang lahat ng barangay sa Batangas.

Ayon kay Taal ABC President Lamberto Marcellana, ipinaabot umano sa kanya ni Bokal Fernan Rocafort, pangulo ng Association of Barangay Captains (ABC) sa Lipa City, ang dahilan ng hindi nila pagkakasama. 

“Nang ulitin ko po sa kanya nitong 24, sinabi niya sakin, ABC pasensya ka na, hindi kasama ang Taal tsaka ang Nasugbu, dahil nagtampururot raw ang Governor sa inyo.”

Samantala, sinabi naman ni Nasugbu ABC President Emerito Herrera na sinubukan niyang alamin kung bakit wala silang natanggap na paanyaya. “Nung 24 ng umaga, tinawagan ako ng Bokal Fernan, ang sabi sa akin, ABC, pasensya ka na, hindi kami ang nag-ayos niyan.”

Mariin ding itinanggi nina Marcellana at Herrera ang alegasyon ni Rocafort na umano’y pinigilan sila ni Leviste na pumunta sa Batangas City.

Dagdag pa ng mga kapitan, may ginawa umanong hiwalay na group chat ang staff ni Batangas Governor Vilma Santos-Recto kung saan hindi kasama ang 84 barangay, at sinabi: “para po muna sa 6 na bayan na nadito sa GC na to.”

Nanindigan ang mga opisyal na nais nilang mailahad ang kanilang panig sa isang pormal na pagdinig. “Sana maimbitahan sa Kongreso itong 84 kapitan upang patunayan na ang ating Congressman ay walang sinasabi na huwag pumunta sa Batangas para huwag kunin ang ayuda,” ani Barangay Captain June Manimtim.

Bilang agarang aksyon, sinabi ni Leviste na siya muna ang sasalo sa tig-P200,000 ayuda habang hindi pa nailalabas ang mga tseke. Kasabay nito, direktang ipinadala ng mga kapitan sa Malacañang ang kanilang requirements na naipasa na nila sa Kapitolyo noong April 17.

Para kay Leviste, kailangang linawin kung bakit hindi naisama ang 84 barangay sa distribusyon. “Hangga’t hindi maipaliwanag kung bakit hindi isinama ang 84 barangays, hindi natin matitiyak na hindi mauulit ang pamumulitika sa pamimigay ng ayuda. Kaya ako po ay nananawagan sa Kongreso o Senado ng imbestigasyon para matiyak natin na hindi mauulit ang ganitong klaseng diskriminasyon sa ayuda,” diin ni Leviste. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles