Dalawa na ang pambato ng Pilipinas sa women’s beach volleyball quarterfinals sa 6th Asian Beach Games sa Sanya, China.
Nagwagi sina Sunnie Villapando at Grydelle Matibag kontra Shehani Ashanga Wattelage at Ktl Alawaththage ng Sri Lanka, 1-15, 21-13, sa Round of 16 sa Tianya Haijiao Venue Court 2 noong Linggo.
Nauna na sa quarter finals sina Khylem Progella at Sofia Pagara matapos dominahin sina Yekaterina Ryukhova at Kristina Karimova ng Kazakhstan, 21-11, 21-14, ilang oras bago ang laban nina Villapando-Matibag.
Tig-dalawang panalo na lamang at sigurado na ang bronze medal ng dalawang Team PH.
Samantala, hindi pinalad ang men’s beach handball team nang matalo sa host team, 21-20, 12-20, 6-10, sa Group A preliminary round sa Tianya Haijiao Venue Cluster.
Laglag na sa gold medal match ang koponan na binubuo nina Felipe Bayani Marasigan, Manuel Lasangue Jr., Rey Joshua Tabuzo at Mark Vincent Dubouzet.
Ngunit tuloy ang laban para sa mas magandang standing sa torneo, simula sa pagharap sa Sri Lanka.
Una na silang natalo sa Bahrain noong April 23.
Sa medal tally Linggo ng gabi, pangatlo pa rin ang Pilipinas na may tatlong ginto mula kina Alexandria Enriquez at Annie Ramirez ng jiu-jitsu at Leonard Grospe ng high jump.
Nangunguna ang China na may 13 ginto at pangalawa ang Thailand na may apat.


