Ramdam ng mga konsyumer sa Metro Manila ang biglang taas ng singil sa kuryente ngayong Abril, kasabay ng pagtaas ng rate ng Manila Electric Company (Meralco) at mas mataas na konsumo sa gitna ng matinding init.
Sa panayam ng Bistado, marami sa mga customer ang nagulat sa kanilang natanggap na bill ngayong buwan. Isa na rito si Marco, isang residential customer sa Makati City, na nakatanggap ng P8,073 na bill mula sa dating P6,760, kahit halos pareho lang umano ang kanyang konsumo.
“Aminado naman akong mas madalas naka-on ang aircon ko dahil sa init, pero parang ganito rin naman konsumo ko same time last year. Expected kong mataas ang bill ko this April, pero hindi ganito kataas,” aniya.
Hindi lang siya ang nakaranas nito. Sa social media, dumarami ang reklamo ng netizens na tinamaan ng “bill shock” dahil sa biglang pagtaas ng singil sa kuryente.
Isang consumer, si Anne Arzadon, ang nagsabing umabot sa mahigit P6,000 ang dagdag sa kanyang bill, kung saan halos P2,000 ay mula sa buwis.
Nauna nang inihayag ng Meralco ang pagtaas ng singil na 53 centavos kada kilowatt-hour para sa buwan ng Abril.
Ayon kay Joe Zaldarriaga, head ng Meralco corporate communications, dulot ito ng mas mataas na generation charges, na bunsod ng epekto ng paghina ng piso laban sa US dollar.
“Tumaas ’yung presyo ng gas plant. So ito ang pinagkukunan natin ng supply. Nag-reflect sila ng increase kasi bumaba rin ’yung pera natin kumpara sa benchmark na US dollar,” ani Zaldarriaga.
Dagdag pa niya, hindi pa lubusang nararamdaman sa singil ang epekto ng oil crisis na kaugnay ng tensyon sa Middle East.
Bukod sa rate hike, sinabi ng Meralco na tumataas din ang konsumo ng kuryente tuwing summer, na lalo pang nagtutulak pataas ng kabuuang bill.
Ipinaliwanag ng kumpanya na ang bahagi ng singil sa kuryente ay nahahati sa iba’t ibang gastos. Ayon sa Meralco, humigit-kumulang 55% ay mula sa generation charges, 10.1% sa transmission charge, 17.5% sa distribution costs, 11.7% sa buwis, at 5.7% sa “other charges.”
Nilinaw rin ng kumpanya na ang ilang singil, kabilang ang pass-through charges at subsidies, ay itinakda at kinokolekta ng gobyerno.
Samantala, sinabi ng Meralco na hindi pa tiyak kung magbabago ang singil sa Mayo, ngunit may inaasahang refund na 23 centavos para sa residential customers na maaaring makatulong na maibsan ang gastos. /Bistado


