Dodoblehin ng Philippine Sports Commission (PSC) ang seating capacity ng makasaysayang Rizal Memorial Stadium (RMS) samantalang balak magtayo ng SM Prime Holdings ng arena sa loob ng ginagawang Harrison Plaza.
Nagpulong ang dalawang panig noong Myerkulas para ilahad ang mga plano para sa modernong palaruan na hindi isasakripisyo ang kasaysayan ng 92-taon na Rizal Memorial Sports Complex (RMSC).
“It encourages us to really come in now. You will see a lot of contribution from SM on how to enhance and elevate this area,” ani SM Prime chairman Hans Sy matapos libutin ang RMSC kasama ang mga opisyal ng PSC sa pamumuno ni chairman Pato Gregorio.
Nasa “exploratory stage” pa ang mga usapan ng PSC at SM ngunit umaasa si Gregorio na matutupad nila ang plano ng RMSC at kalapit na Harrison Plaza sa Adriatico Street, parte ng Malate.
“This is a perfect partnership with world-class development. We realized how important, historic and iconic the Rizal Memorial Sports Complex is. We all understand that we have to do this together and we have to do this now,” ani Gregorio.
Sa kasalukuyan, 12,873 ang seating capacity o 15,000 kasama ang pwedeng tumayo sa RMS, kung saan madalas ginaganap ang basketball.
Kasalukuyan din pinapaganda ang athletics oval at football stadium na magkakaroon ng upuan para sa 25,000 katao.
Plano naman ng SM Prime na maglagay ng FIBA-standard basketball court sa loob ng Harrison Plaza, na nakatakdang buksan muli bilang SM Harrison sa 2027.


