MANILA — Umabot sa tinatayang P25.7 milyon halaga ng marijuana ang nasabat at winasak ng Philippine National Police (PNP) sa serye ng anti-illegal drug operations sa Cordillera region mula Abril 13 hanggang 19.
Ayon sa PNP, kabuuang 22 eradication operations ang isinagawa na nagresulta sa pagbunot ng humigit-kumulang 94,918 fully grown marijuana plants at pagkakasamsam ng 56.6 kilo ng dried marijuana products.
Isinagawa ang mga operasyon sa mga lugar na tinukoy na cultivation sites, na karamihang natagpuan sa Benguet, Mountain Province, at Kalinga.
Sa Benguet, 17 operasyon ang nagresulta sa pagkasira ng 14,418 marijuana plants at pagkumpiska ng dried marijuana na may tinatayang halagang P9.68 milyon.
Sa Mountain Province, isang operasyon ang tumarget sa 60,000 marijuana plants na nagkakahalaga ng P12 milyon.
Sa Kalinga, apat na operasyon ang nagbunsod sa pagbunot ng 20,500 marijuana plants na may halagang P4.1 milyon.
Binigyang-diin ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. na bahagi ang mga operasyong ito ng tuloy-tuloy na kampanya para putulin ang suplay ng iligal na droga sa pinagmumulan pa lamang.
“Hindi lang po ito simpleng pagbubunot ng halaman. Ito ay pagprotekta sa ating mga komunidad laban sa ilegal na droga. Tuloy-tuloy ang ating aksyon—walang ligtas sa batas,” ani Nartatez.
“We are targeting production areas to stop the spread of illegal drugs before they reach our streets. This is a proactive and sustained approach,” dagdag niya.
Nagbabala rin siya sa mga sangkot sa pagtatanim at kalakalan ng iligal na droga.
“Sa mga patuloy na sangkot sa ilegal na droga, malinaw ang aming paalala—titiyakin ng PNP na kayo ay mananagot. Hindi kami titigil,” aniya. /Bistado


