Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Motorcycle taxi rider, dedo sa pila ng ayuda sa Quezon Memorial Circle

Patay ang isang motorcycle taxi rider matapos umanong atakihin sa puso habang nakapila para sa ayuda ng gobyerno sa Quezon Memorial Circle noong Sabado, April 18.

Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), nangyari ang insidente habang naghihintay ang rider para sa P5,000 cash assistance na ipinamamahagi sa mga driver at rider na apektado ng pagtaas ng presyo ng krudo dulot ng tensyon sa Middle East.

Naiulat ang dagsa ng nakapila sa perimeter ng Quezon City Circle para sa payout. Sa mga kuha ng video, makikita ang mga rider na nagtiis sa init, ang ilan ay may karton sa ulo para makaiwas sa sikat ng araw.

Kinumpirma ng DSWD ang insidente at agad na nagpadala ng team para makipag-ugnayan sa pamilya ng nasawi, ayon kay Assistant Secretary Irene Dumlao.

“We’ve heard of the unfortunate at nakakalungkot na incident yesterday and Sec. Rex immediately instructed a team to reach out to the family,” ani Dumlao.

Dagdag niya, nakausap na ng ahensya ang anak ng rider at tiniyak ang tulong para sa maayos na pagpapalibing.

Iniutos din ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na sunduin ang pamilya ng rider mula sa probinsya at dalhin sa Metro Manila. Personal ding nakipagkita ang kalihim sa pamilya sa ospital ngayong Linggo, Abril 19, para ipabatid ang pakikiramay at alamin ang kanilang pangangailangan.

Ayon sa DSWD, sinagot na ang gastusin sa ospital, pati ang burol at libing ng nasawi. Tumulong din ang ahensya sa transportasyon ng mga kamag-anak at nagbigay ng suporta para sa patuloy na pag-aaral ng anak ng rider.

Ang payout sa Quezon Memorial Circle ay bahagi ng cash assistance program ng pamahalaan para sa mga sektor na apektado ng mataas na presyo ng langis. Kabilang dito ang mga motorcycle taxi at delivery riders na direktang tinamaan ng pagtaas ng gastos sa gasolina.

Hinikayat ng DSWD ang mga benepisyaryo na personal na magtungo sa payout sites para makuha ang kanilang ayuda, habang pinag-aaralan ang paglipat sa digital distribution system para mapabilis ang proseso sa hinaharap. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles