Pinalalawak ng pamahalaan ang “Benteng Bigas, Meron Na!” program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para mas maraming Pilipino ang makabili ng bigas sa halagang P20 kada kilo sa gitna ng pagtaas ng presyo ng pagkain dulot ng mahal na krudo.
Inatasan ng Pangulo ang Department of Agriculture (DA) na bilisan ang pagpapatupad ng programa sa buong bansa sa pamamagitan ng mas mahabang oras ng bentahan at pagdaragdag ng distribution sites.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., tumataas ang presyo ng pagkain dahil sa gastos sa transportasyon at logistics, kaya pinalalawak ang access sa murang bigas para mabawasan ang pasanin ng mga mamimili.
Sa unang quarter ng 2026, nakapagtayo na ang DA ng 932 P20 rice selling sites sa buong bansa, kabilang ang KADIWA outlets, bodega ng National Food Authority (NFA), lokal na pamahalaan, at iba pang accredited sellers ng Food Terminal Inc. (FTI).
Hanggang April 7, 2026, umabot na sa 6.45 milyong benepisyaryo ang napagsilbihan ng programa. Kabilang sa target ang senior citizens, 4Ps beneficiaries, solo parents, persons with disabilities, at mga magsasaka at mangingisda.
Pinalakas ang programa sa pamamagitan ng kasunduan ng FTI at NFA para sa suplay at pondo ngayong 2026.
Sa ilalim nito, target magbukas ng 900 karagdagang P20 rice sites sa mga lugar na may mataas na pangangailangan tulad ng Capiz, Bukidnon, Cebu, Cotabato, at Catanduanes.
Saklaw ng kasunduan ang pagbili ng humigit-kumulang 1.8 milyong sako ng well-milled rice na tig-50 kilo, na suportado ng P3 bilyong pondo mula sa rice program ng pamahalaan.
Ayon sa NFA, ang pondong ito ay ginagamit din para bumili ng palay mula sa mga lokal na magsasaka. Sa ilang lugar, tinaasan na ang buying price hanggang P30 kada kilo para maprotektahan ang kita ng mga magsasaka.
Dagdag pa ng ahensya, ang kita mula sa bentahan ng bigas ay ibinabalik sa pagbili ng panibagong suplay para mapanatili ang tuloy-tuloy na distribusyon.
Ang FTI ang nangunguna sa procurement habang ang NFA ang nagsusuplay ng bigas para mapabilis ang rollout ng programa.
Ayon sa FTI, dumarami ang mga mamimiling bumibili sa kanilang outlets dahil sa pagtaas ng presyo sa merkado. Target nilang palawakin ang network hanggang umabot sa 1,800 P20 rice sites sa buong bansa bago matapos ang 2026. /Bistado


