Nanganganib na bumagsak sa kahirapan ang milyun-milyong Pilipino mula sa middle class dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East, ayon kay Marikina Rep. Miro Quimbo.
Sa ikatlong pagdinig ng Legislative Energy Action and Development (LEAD) Committee ng House of Representatives of the Philippines na kanyang pinamumunuan, sinabi ni Quimbo na apektado ang lahat ng sektor ng pagtaas ng presyo, kabilang ang pagkain. Aniya, bagamat may sapat na supply ng fuel, ang pangunahing problema ay affordability.
“Nakita natin na habang may sapat tayong fuel supply sa ngayon, ang tunay na problema ay affordability. Tumataas ang presyo ng langis, tumataas ang presyo ng pagkain, at unti-unting nababawasan ang kakayahang bumili ng ating mga mamamayan. At sa gitna nito, may isang sektor na hindi natin maaaring kalimutan – ang middle class,” ani Quimbo.
“Ito ang sektor na kadalasang hindi saklaw ng ayuda kahit sila’y nalulunod din sa pagtaas ng bilihin. They are one major crisis away from falling below the poverty line,” dagdag niya.
Sa parehong pagdinig, sinabi ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na 45 porsyento ng populasyon ng bansa ay kabilang sa middle class, habang 1.5 porsyento lamang ang nasa mayamang sektor. Ang natitira ay itinuturing na mahihirap.
Upang patunayan ang epekto ng krisis sa iba’t ibang antas ng lipunan, inilatag ni Quimbo ang datos mula sa 2023 Family Income and Expenditure Survey ng Philippine Statistics Authority. Ipinakita sa datos na hindi gaanong nagkakalayo ang ginagastos sa diesel at gasolina ng mahihirap at mayayaman.
Ayon sa survey, 12.1 porsyento ng kita ng pinakamahihirap na pamilya ang napupunta sa diesel at gasolina, habang 14.7 porsyento naman sa pinakamayayamang household ang ginagastos sa fuel.
Ginamit ni Quimbo ang datos para kuwestiyunin ang naunang pahayag ni Finance Undersecretary Karl Fermin Adriano na ang mayayamang Pilipino, kahit maliit na bahagi ng populasyon, ang kumokonsumo ng 50 porsyento hanggang 85 porsyento ng diesel at gasolina ng mga household.
Dahil dito, ipinaliwanag ni Quimbo kung bakit hindi isinama ang diesel at gasolina sa rekomendasyon ng UPLIFT committee para sa suspensyon ng excise tax, at nanatiling nakatuon lamang sa cooking gas at kerosene ang hakbang.
“Rising oil prices are pushing up the cost of living, steadily eroding the ability of Filipino families to meet their daily needs. And if this continues, many will struggle just to get by,” ani Quimbo.
Binigyang-diin din niya ang epekto nito sa kabuuang ekonomiya, lalo na sa mga manggagawa.
“Dapat din nating kilalanin ang mga manggagawang Pinoy bilang mga bumubuhay ng ating ekonomiya. Kapag humina ang kakayahan nilang kumita at gumastos, humihinto ang galaw ng ating ekonomiya. Kapag hindi sapat ang suporta sa kanila, hindi lamang kabuhayan ang naapektuhan kundi pati ang kabuuang takbo ng ating ekonomiya,” pahayag niya.
Dagdag pa ni Quimbo, sa utos ni Speaker Bojie Dy, tututok ang komite sa mga hakbang para tulungan ang mga sektor na direktang naaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng langis at bilihin. /Bistado


