Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Abiso ng LGUs sa Metro Manila: Mag-facemask bunsod ng Navotas landfill fire

Apat nang local government units (LGUs) sa Metro Manila – Maynila, Mandaluyong, Quezon City, at Navotas – ang naglabas ng babala at payo sa publiko na magsuot ng face mask matapos lumala ang kalidad ng hangin bunsod ng sunog sa Navotas landfill.

Kumalat na ang makapal na usok mula sa sunog sa dating Navotas Sanitary Landfill at umabot sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila, dahilan para pumangit ang air quality sa ilang lungsod.

Ayon sa Navotas City Public Information Office, tumaas ang Air Quality Index (AQI) sa lungsod mula 52 bandang hatinggabi noong April 12 patungong 114 alas-6 ng umaga, na ikinokonsiderang “unhealthy for sensitive groups.” Pagsapit ng tanghali, bahagya pa itong umakyat sa 119.

Dahil dito, pinayuhan ang publiko, lalo na ang mga bata, senior citizens, buntis, at may sakit sa baga o puso, na manatili muna sa loob ng bahay. Hinihikayat din ang lahat na magsuot ng face mask, iwasan ang matagal na outdoor activities, at panatilihing sarado ang mga bintana at pintuan kung may usok sa paligid.

Sa hiwalay na advisory ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department, sinabi na may ilang monitoring sites sa lungsod na umabot sa antas na “Unhealthy for Sensitive Groups,” partikular sa lugar ng Puregold Tayuman, habang “fair” naman sa Anda Circle, San Sebastian, at Sta. Ana.

Ang usok mula sa landfill fire ang pangunahing sanhi ng haze na bumalot sa Metro Manila nitong mga nakaraang araw.

Sa Mandaluyong, nag-abiso ang lokal na pamahalaan na nasa “very unhealthy” na antas ang kalidad ng hangin sa ilang bahagi ng lungsod. Dahil dito, pinayuhan ang mga residente na manatili sa loob ng bahay kung hindi kinakailangan lumabas, magsuot ng N95 o KN95 mask, at isara ang mga bintana.

Sa Quezon City, naglabas din ng paalala ang lokal na pamahalaan kaugnay ng epekto ng usok sa kalusugan, kasabay ng patuloy na monitoring sa air quality sa lungsod.

Samantala, nilinaw ng Navotas City Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) na ang nasunog na landfill ay matagal nang sarado at hindi pag-aari ng city government. Matatagpuan ito sa isang isla na nasa humigit-kumulang 2.6 kilometro ang layo mula sa mga residential area.

Ayon sa Navotas DRRMO, unang naiulat ang sunog alas-8:23 ng gabi noong April 10 at idineklara nang “fire under control” ng Bureau of Fire Protection. Patuloy ang operasyon para tuluyang maapula ang natitirang apoy at usok.

Upang mapabilis ang firefighting operations, nakipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan sa Philippine Air Force na nag-deploy ng dalawang helicopter para sa aerial water drops, habang patuloy din ang ground operations gamit ang fire pumpers, hoses, at water tankers.

Sa ngayon, patuloy ang monitoring sa kalidad ng hangin sa Metro Manila at mga karatig-lugar, habang hinihikayat ang publiko na sumunod sa health advisories habang may umiiral pang usok mula sa nasabing sunog. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles