Kabanata 40: Ang balitang kumawala
BREAKING: SEN. CLAIRE DE DIOS, MAY ANAK PALA
Isang pribadong pagtitipon sa loob ng mansyon ni Sen. Claire De Dios sa La Vista ang naging eksena ng isang hindi inaasahang rebelasyon, batay sa mismong nasaksihan ng reporter ng Bilis Pinoy News. Sa gitna ng isang engrandeng hapunan, ipinakilala ng senadora ang isang binatilyong si Jiro bilang kanyang anak sa harap ng mga bisitang mula pa sa komunidad ng Tatalon.
Ayon sa mga personal na obserbasyon sa event, malinaw ang emosyon sa pagitan ng senadora, ng batang si Jiro, at ng babaeng kinilalang si Esther na matagal umanong nag-alaga sa kanya. Naroon din ang mga kaibigan, kapitbahay, at dating guro ng binatilyo na nagbahagi ng mga kwento tungkol sa kanyang buhay bago dalhin sa poder ng senadora.
Nasaksihan din sa naturang pagtitipon ang isang maikling programa kung saan pinagtibay ang pagkakakilanlan ni Jiro bilang anak ni De Dios, sa kabila ng kawalan ng anumang opisyal na pahayag mula sa kanyang tanggapan sa oras ng pagsulat ng ulat na ito.
—
Sa veranda ng mansyon, hawak ni Claire ang cellphone.
Sunod-sunod ang pag-ring.
Isang tawag.
Dalawa.
Tatlo.
Hindi na niya binibilang.
Hindi niya sinasagot.
Tahimik lang siyang nakatayo, nakatanaw sa bakuran.
Sa kabilang dulo, si Jiro.
Nakatayo kasama ang mga kaibigan. Tumatawa. May hawak na baso. Nakikinig sa kwento ng isa.
Napansin siya ni Jiro.
Kinawayan siya.
“Ma!” sigaw nito, nakangiti.
Napilitan siyang ngumiti.
Kinawayan niya pabalik.
Sandaling nagtagpo ang tingin nila.
Pagkatapos, bumalik si Jiro sa mga kaibigan niya.
At bumalik din ang bigat sa dibdib ni Claire.
Ano bang gagawin ko…
Huminga siya nang malalim.
Handa naman ako…
Pero hindi ganito… hindi ganito kabilis…
Muling nag-ring ang cellphone.
Tinitigan niya ang screen.
Hindi niya sinagot.
Maya-maya, tumalikod siya at naglakad papasok.
“Monching,” tawag niya, mababa pero buo ang boses.
Lumapit agad si Monching.
“Yes, ma’am.”
Inabot ni Claire ang cellphone.
“Lumabas na.”
Kinuha ni Monching, tiningnan ang screen.
“Exclusive…” bulong niya.
Napailing siya.
“Ang bilis…”
Tumango si Claire.
“Pakisabi sa media relations staff ko,” diretso niyang utos, “prepare a press conference bukas.”
“Where, ma’am?”
“Manila Hotel.”
“Anong oras?”
“Maaga. First thing in the morning.”
Tumango si Monching.
“Yes, ma’am.”
Huminto siya sandali.
“Ma’am… gusto niyo bang i-contain muna—”
Umiling si Claire.
“Hindi na. Lalabas at lalabas din ’to.”
Tumingin siya ulit sa labas.
Kay Jiro.
Nakatawa pa rin. Walang kaalam-alam.
“Kailangan natin mauna,” dagdag niya.
“I’ll handle it,” sagot ni Monching.
Umalis ito, mabilis ang lakad, may tinatawagan na.
Si Claire, naiwan sa veranda.
Tahimik.
Nakatitig lang sa anak.
“Anak…” mahina niyang sabi.
Sa labas, patuloy ang tawanan.
Sa loob, nagsimula na ang totoong laban. /Itutuloy sa susunod na kabanata


