Sa gitna ng tumitinding krisis sa langis, nanawagan ang labor expert na si Dr. Rene Ofreneo ng mas matapang at malinaw na hakbang mula sa pamahalaan para maprotektahan ang ekonomiya at kabuhayan ng mga Pilipino.
Sa isang talakayan na inorganisa ng Negosyo Advocates kasama ang business groups at micro, small and medium enterprises (MSMEs), iginiit ni Ofreneo na may pondo namang maaaring taktakin ang gobyerno para ilaan sa pagtugon sa krisis.
Unang tinukoy ng eksperto ang posibilidad na bawasan o galawin ang confidential funds ng gobyerno bilang bahagi ng pagtitipid at paglikha ng pondo.
“Unang galawin ang confidential funds ng P4B. After all, as President ang buong burukrasya at buong military under niya, hindi na niya kailangan ng confidential funds” aniya.
Bukod dito, iminungkahi rin niya ang pagpapataw ng “solidarity tax” sa mayayamang sektor, na aniya’y ginawa na sa ibang bansa noong panahon ng krisis.
“May advertisement pa nga noon na ‘tax us.’ Why? Because the economy needs to survive,” paliwanag niya.
Ayon kay Ofreneo, may sapat na kakayahan ang mayayamang indibidwal sa bansa para tumulong sa panahong gipit ang ekonomiya.
Kasabay nito, binigyang-diin niya ang kakulangan sa malinaw na estratehiya ng gobyerno sa pagharap sa krisis.
“Kulang ang tulong at kulang ang strategizing na ginagawa ng gobyerno,” babala niya.
Pinuna rin niya ang ilang polisiya sa industriya, kabilang ang pagbibigay ng malalaking insentibo sa malalaking kumpanya na hindi naman nagdudulot ng sapat na trabaho.
Para sa kanya, mas dapat tutukan ang pagpapalakas ng MSMEs dahil sila ang backbone ng lokal na produksyon at supply chain.
Iminungkahi rin niya ang pagpapabilis ng paggamit ng renewable energy at pagpapalakas ng lokal na produksyon ng pataba para mabawasan ang pagdepende sa imported na inputs na apektado ng global oil crisis.
Dagdag pa ni Ofreneo, malinaw sa Konstitusyon na may kapangyarihan ang estado na kumilos sa panahon ng krisis para kontrolin ang mahahalagang sektor.
Ang binabanggit niyang bahagi ng 1987 Constitution ay ang Article XII, Section 17, na nagsasabing, “In times of national emergency, when the public interest so requires, the State may, during the emergency and under reasonable terms prescribed by it, temporarily take over or direct the operation of any privately-owned public utility or business affected with public interest.”
Ayon sa eksperto, mahalaga ang probisyong ito lalo na sa sektor ng enerhiya, tubig, at iba pang kritikal na serbisyo na direktang naaapektuhan ng krisis sa langis.
“Pag may crisis…ang estado may kapangyarihan mag-assert ng leadership in the operation and management of critical facilities,” paliwanag niya.
Iginiit ni Ofreneo na hindi sapat ang pansamantalang hakbang. Diin niya, kailangan ang malinaw, koordinado, at agarang aksyon para matugunan ang epekto ng krisis sa langis sa ekonomiya at sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino. /Bistado


