Habang papalapit ang Semana Santa, inaasahan ang dagsa ng biyahero sa mga paliparan sa bansa, lalo na sa Ninoy Aquino International Airport kung saan tinatayang higit 1.2 milyon ang pasaherong daraan. Sa ganitong sitwasyon, hindi sapat ang ticket. Kailangan ng malinaw na diskarte.
Narito ang 12 mas detalyadong gabay para sa mas maayos na biyahe:
1. Dumating nang mas maaga sa airport
Hindi sapat ang dating dalawang oras in advance. Para sa domestic flights, targetin ang 3 oras. Para sa international flights, 4 hanggang 5 oras ang ilaan dahil sa haba ng pila sa check-in, immigration, at security.
2. I-check ang tamang terminal
Hindi magkakakonekta ang NAIA terminals. Ang maling terminal ay posibleng magdulot ng pagka-late dahil ang transfer ay umaabot ng 30 hanggang 60 minuto depende sa trapik.
3. Alamin ang terminal assignments
Terminal 1 para sa ilang international flights, kabilang ang PAL at AirAsia international. Terminal 2 para sa Cebu Pacific at PAL domestic. Terminal 3 para sa iba pang international airlines. Clark Airport para sa ilang turboprop flights tulad ng El Nido, Coron, at Naga.
4. Mag-register sa eTravel portal
Lahat ng international passengers ay kailangang mag-register sa etravel.gov.ph sa loob ng 72 oras bago ang flight. Libre ito. Kapag may humihingi ng bayad, scam iyon.
5. Mag-online check-in
Mag-check in 24 oras bago ang flight para maiwasan ang pila at makuha agad ang boarding pass.
6. Suriin ang baggage allowance
Siguraduhin na pasok sa limit ang bagahe. Ayon sa aviation rules, hindi dapat lalampas sa 32 kilos ang bawat checked bag para sa kaligtasan ng handlers.
7. Ilagay sa hand carry ang power banks
Ang lithium batteries at power banks ay bawal sa checked baggage dahil fire risk. Dapat nasa hand carry lamang.
8. Gamitin ang self-tagging kiosks
Available ang self-tagging sa NAIA Terminals 1, 2 at 3. Pwede kang mag-print ng baggage tag at dumiretso sa self-bag drop para mas mabilis.
9. Sundin ang 100 mL rule
Ayon sa Office for Transportation Security (OTS), ang liquids, aerosols at gels ay dapat hindi lalampas sa 100 ml bawat lalagyan at nakalagay sa isang transparent na plastic bag na may limit na isang litro.
10. Iwasan magdala ng mga bawal na items
Mahigpit ang OTS sa ipinagbabawal na items. Kasama rito ang mga baril, bala, pampasabog, flammable liquids tulad ng gasolina, at matutulis na bagay gaya ng kutsilyo at gunting sa hand carry .
Ang mga tools tulad ng martilyo at screwdrivers ay hindi rin pinapayagan sa cabin. Maaari lamang itong ilagay sa checked baggage
11. Tandaan ang rules sa payong at iba pang gamit
Pinapayagan ang folded umbrellas sa hand carry, pero bawal pa rin ang cane umbrellas dahil maaari itong magamit bilang sandata.
12. Bantayan ang personal na gamit
Sa dami ng tao, target ng mga masasamang loob ang mga hindi nagbabantay ng gamit. Huwag iwan ang cellphone o laptop sa charging stations. Iwasan ang fixers at makipagtransaksyon lamang sa official airport staff o accredited transport.
Sa gitna ng inaasahang siksikan, malinaw ang paalala sa publiko: We have to adjust to our conditions. Ang pag-angkop sa sitwasyon at maagang paghahanda ang susi para sa maayos na biyahe ngayong Semana Santa. Safe travels, mga kabisto! /Bistado


