Dalawang reklamong kriminal ang isinampa ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice (DOJ) laban sa isang manpower company, mga opisyal nito at isang negosyante dahil sa umano’y sadyang hindi pagbabayad ng buwis na umaabot sa P45.07 milyon.
Isinampa ang mga reklamo noong October 14 kaugnay ng mga tax liability para sa 2017 at 2018.
Unang inireklamo ang Interserve Management & Manpower Resources Inc. (IMMRI) at mga responsableng opisyal nito dahil sa P33.13 milyong hindi nabayarang income tax at value-added tax (VAT) noong 2017.
Kasama sa halaga ang surcharges, interest at compromise penalties.
Ayon sa BIR, nanatiling hindi bayad ang buwis sa kabila ng isinagawang audit at pagpapadala ng mga notice at demand.
Samantala, nahaharap din sa reklamo ang proprietress ng V.A.T. Coconut Dealer dahil sa P11.94 milyong deficiency income tax, expanded withholding tax at kaukulang penalties para sa 2018.
Naging final, executory at demandable ang assessment matapos tanggihan ang protesta ng taxpayer.
Naglabas din ang BIR ng Warrant of Distraint and/or Levy noong March 6, 2024 upang ipatupad ang paniningil.
Kapwa inihain ang mga reklamo sa ilalim ng Section 255 ng National Internal Revenue Code at Run After Tax Evaders (RATE) Program.
“Our priority is to encourage voluntary compliance and help taxpayers meet their obligations. But when taxpayers willfully fail to comply with their tax obligations, the BIR must take appropriate enforcement action,” sabi ni BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza.
Mula January hanggang September 2026, nakapagsampa na ang BIR ng 361 RATE cases sa DOJ na may kabuuang tax exposure na P35.16 bilyon.
Patuloy ang kampanya ng ahensya laban sa tax evasion habang hinihikayat ang mga taxpayer na kusang sumunod sa kanilang obligasyon.
Ang mga reklamong isinampa ay hindi pa katumbas ng hatol na nagkasala ang mga respondent. /Bistado


