Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

2024, 2025 national budgets unconstitutional! P449.5B dagdag-pondo, kinuwestiyon ng SC

Idineklarang labag sa Konstitusyon ng Supreme Court (SC) ang 2024 at 2025 national budgets matapos taasan ng Kongreso ang kabuuang pondong inirekomenda ng Pangulo, kabilang ang P449.5 bilyong dagdag sa unprogrammed appropriations at P17.99 bilyon sa Special Road Fund.

Sa desisyong inilabas nitong Martes, October 20, pinawalang-bisa rin ng Korte Suprema ang dalawang probisyon sa 2026 budget na nagpapahintulot sa paggamit ng unprogrammed funds.

Isinulat ni Senior Associate Justice Marvic Leonen ang desisyon ng Supreme Court En Banc.

Pinagbigyan ng SC ang petisyon ni dating kongresista Edcel Lagman at bahagyang pinagbigyan ang kay dating senador Aquilino “Koko” Pimentel III laban sa P449.5 bilyong dagdag sa unprogrammed appropriations ng 2024 General Appropriations Act (GAA) o Republic Act No. 11975.

Idineklara ring unconstitutional ang 2025 GAA o Republic Act No. 12116 dahil sa P17.99 bilyong dagdag sa Special Road Fund ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Bukod dito, lumabag din umano sa Administrative Code ang P12.75 bilyong dagdag sa Special Accounts in the General Fund ng ilang ahensya dahil lumampas ito sa mga halagang iminungkahi ng Pangulo.

Ayon sa SC, hindi maaaring taasan ng Kongreso ang kabuuang appropriations na inirekomenda ng Pangulo. Sakop ng limitasyong ito ang pinagsamang programmed at unprogrammed funds.

Samantala, bahagyang pinagbigyan ang petisyon nina Rep. Edgar Erice at Rep. Leila de Lima laban sa Chapter XLIII ng 2026 GAA.

Nilinaw ng Korte na hindi awtomatikong ilegal ang unprogrammed appropriations o mga pondong maaari lamang gastusin kapag natugunan ang itinakdang kondisyon.

Gayunman, kailangan itong may malinaw na limitasyon, pamantayan at prayoridad upang maiwasan ang hindi kontroladong paggastos ng Executive branch.

Ipinagbawal din ang lump-sum allocations sa unprogrammed appropriations at iniutos na manatili ang mga ito sa loob ng national fiscal program.

Permanenteng pinagbawalan ang Senado, Kamara, Office of the Executive Secretary at Department of Budget and Management na ipatupad ang Special Provisions 1(a) at (b), Chapter XLIII ng 2026 GAA.

Gayunman, hindi awtomatikong kailangang ibalik ang lahat ng pondong nagastos sa ilalim ng 2024 at 2025 budgets.

Sa ilalim ng doctrine of operative fact, maaari pa ring kilalanin ang mga programang hindi na maaaring baligtarin kung ang mga benepisyaryo ay kumilos nang may good faith.

Pero hindi nito awtomatikong inililigtas sa posibleng kasong kriminal, sibil o administratibo ang mga gumawa, nagsulong o nagpatupad ng mga kuwestiyonableng probisyon.

Kailangan munang mapatunayan ng kaukulang tribunal na kumilos sila nang may good faith bago sila maprotektahan ng naturang prinsipyo. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles