Nagsimula na nitong Lunes, October 19, ang campaign period para sa panukalang gawing highly urbanized city (HUC) ang Naga City sa Camarines Sur, mahigit isang buwan bago ang plebisito.
Ayon sa Commission on Elections (Comelec), hanggang November 19 ang pangangampanya, kung kailan maaaring magsagawa ng mga pagpupulong, talakayan at iba pang aktibidad upang ipaliwanag ang panukala sa publiko.
Sa November 21, boboto ang mga kwalipikadong residente mula alas-7 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon upang magpasya kung pagtitibayin ang pagbabago sa katayuan ng lungsod.
Nauna nang nilagdaan ni President Ferdinand Marcos Jr. ang Proclamation No. 1267 noong May 26, 2026, na nagdedeklara sa Naga bilang highly urbanized city.
Gayunman, kailangan munang ratipikahan ito ng mga botante bago tuluyang magkabisa.
Sa ilalim ng Local Government Code, kailangang may hindi bababa sa 200,000 residente at matugunan ang itinakdang income requirement upang maging HUC ang isang lungsod.
Kapag naaprubahan, magkakaroon ang Naga ng administratibo at pinansiyal na kalayaan mula sa pamahalaang panlalawigan ng Camarines Sur.
Samantala, ipatutupad ang gun ban sa buong Naga City mula October 19 hanggang November 28 bilang bahagi ng seguridad sa plebisito.
Bawal din ang pangangampanya sa November 20 at sa mismong araw ng botohan. Ipatutupad din ang liquor ban at iba pang election restrictions.
Nanawagan ang Comelec sa mga residente na makilahok sa mapayapa at maayos na plebisito upang mapagdesisyunan ang magiging katayuan ng Naga City. /Bistado


