Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Super Typhoon Champi patungong Taiwan, Batanes at Babuyan posibleng hagupitin

Posibleng hagupitin ng malakas na hangin at ulan ang Batanes at Babuyan Islands sa susunod na weekend sa paglapit ng Super Typhoon Champi, na patungong Taiwan at inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Martes, October 20.

Kapag nakapasok sa PAR, tatawagin itong Rosal, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa),

Sa 11 a.m. tropical cyclone advisory nitong Linggo, October 18, nananatiling super typhoon si Champi habang kumikilos pakanluran sa karagatang malapit sa Guam.

Bandang alas-10 ng umaga, namataan ang mata ng bagyo sa layong 2,090 kilometro silangan ng Southeastern Luzon, sa labas ng PAR.

Taglay nito ang maximum sustained winds na 185 kilometers per hour (kph), bugso na hanggang 230 kph at central pressure na 940 hectopascals. Umaabot sa 600 kilometro mula sa sentro ang malalakas na hangin nito.

Kumikilos ang bagyo pakanluran sa bilis na 25 kph, ngunit inaasahang liliko pahilagang-kanluran habang papalapit sa PAR at Taiwan.

Ayon sa Pagasa, posibleng manatiling super typhoon si Champi sa pagpasok sa PAR bago unti-unting humina simula Martes.

Maaaring magtaas ng Tropical Cyclone Wind Signals sa hilaga at silangang bahagi ng Northern Luzon at ilang lugar sa Bicol Region simula Lunes ng gabi o Martes ng umaga.

Sa kasalukuyang forecast, maaaring umabot sa Signal No. 3 o 4 ang pinakamataas na babala.

Inaasahan din ang malalakas na bugso ng hangin sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas, pati ilang lugar sa Mindanao, simula Martes o Miyerkules, October 21.

Magdadala rin ang bagyo ng malakas na ulan sa Extreme Northern Luzon, na maaaring magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga bulnerableng lugar.

Sa karagatan, posibleng maging moderate hanggang rough ang alon sa hilaga at silangang baybayin ng Luzon at silangang baybayin ng Visayas at Mindanao simula Martes.

Pagsapit ng Miyerkules, maaaring lumala sa very rough hanggang very high seas ang kondisyon sa hilaga at silangang karagatan ng Luzon.

Posible ring maglabas ang Pagasa ng gale warning sa Martes ng gabi o Miyerkules ng umaga.

Pinayuhan ang publiko, lalo na sa Batanes, Babuyan Islands at iba pang lugar sa Northern Luzon, na maghanda at subaybayan ang mga susunod na weather advisories. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles