Libreng checkup, laboratory tests, gamot at cancer screening ang maaaring mapakinabangan ng mga kwalipikadong PhilHealth members sa ilalim ng Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) habang naghahanda ang bansa sa posibleng pagdami ng mga sakit dulot ng matinding init at El Niño.
Ayon sa Malacañang, pinalawak ang programa para mas mapalapit sa publiko ang abot-kayang serbisyong medikal.
“Mas pinalapit na sa taumbayan ang abot-kaya at dekalidad serbisyong medikal ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., lalo na ngayong nadaranas natin ang El Niño kung saan inaasahan ang iba’t ibang sakit dulot ng matinding init,” sabi ni Palace Press Officer Claire Castro.
Sakop ng YAKAP ang government at private employees, kasambahay, indigents, self-employed, professionals, overseas Filipino workers (OFWs), solo parents, senior citizens, lifetime members, mga batang wala pang 21 taong gulang at beneficiaries ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Kasama rin ang mga indibidwal na may special needs.
Para makagamit ng serbisyo, kailangang rehistrado sa PhilHealth, may PhilHealth Identification Number (PIN) at updated ang membership.
Pumili ng YAKAP clinic sa eGovPH app, PhilHealth member portal o sa pinakamalapit na PhilHealth office.
Sa klinika, kukunin ang medical history, magsasagawa ng health screening at magbibigay ng health education. Kailangan ding lumagda sa form para sa continuous care.
Susundan ito ng konsultasyon, kung saan maaaring magreseta ang doktor ng gamot o magbigay ng referral para sa laboratory tests at cancer screening kung kinakailangan.
Maaaring kunin ang mga gamot sa PhilHealth GAMOT Program sa accredited pharmacies gamit ang reseta mula sa awtorisadong YAKAP doctor.
Ang 21 essential medicines na sakop ng YAKAP ay dapat namang ibigay sa accredited clinics. Kung walang stock, maaaring magtanong sa clinic staff tungkol sa proseso para makuha ang gamot.
Ayon kay Castro, mayroon nang halos 4,000 YAKAP clinics sa buong bansa para mas madaling makakuha ng pangunahing serbisyong pangkalusugan ang mga Pilipino. /Bistado


