Record na P1.76 bilyong multa ang ipinataw ng Philippine Competition Commission (PCC) sa anim na negosyo at kanilang mga opisyal matapos mapatunayang sangkot sa ilegal na kartel sa importasyon, cold storage at wholesale distribution ng pula at puting sibuyas.
Nag-ugat ang imbestigasyon sa pagsirit ng presyo ng sibuyas hanggang P800 kada kilo noong huling bahagi ng 2022.
Sa desisyong may petsang May 28, 2026, napatunayang lumabag ang mga respondent sa Section 14(b)(2) ng Philippine Competition Act dahil sa ilegal na paghahati-hati ng merkado.
Kabilang sa mga pinanagot ang Golden Shine International Freight Forwarders Corp., Tian Long Corp., La Reina Fresh Vegetables & Young Indoor Plants Inc., Yom Trading Corp., Vegefru Producing Store ni Mark Castro Ocampo at Rosal Fruit and Vegetable Trading ni Nancy Callanta Rosal.
Pinanagot din ang mga opisyal na sina Lilia Cruz, Eric Pabilona, Renato Francisco Jr. at Letty Baculando.
Batay sa ebidensiyang nakuha sa court-ordered raid noong September 6, 2023, ginamit ng Golden Shine ang credentials ng ibang importers para kumuha ng sanitary and phytosanitary import clearances, magtalaga ng consignees at magkoordina ng shipments.
Sa ganitong sistema, sama-samang nakontrol ng mga respondent ang halos 50 porsiyento ng approved onion import clearances noong 2020 at 2021.
Dinala ang mga imported na sibuyas sa cold storage facilities ng Tian Long bago ipamahagi sa buong bansa.
Pinagmulta ng PCC ng P330 milyon bawat isa ang limang grupo ng respondents na kinabibilangan ng La Reina, Yom Trading, Vegefru, Rosal Trading at Golden Shine, kasama ang mga kaukulang opisyal.
P118.33 milyon naman ang ipinataw sa Tian Long at Pabilona. Solidary liability ang itinakda, kaya maaaring singilin ang bawat respondent sa loob ng grupo para sa kabuuang multa nito.
Ginamit ng PCC ang aktuwal na import volumes at wholesale prices mula sa Philippine Statistics Authority sa pagkalkula matapos makitang lubhang understated ang financial statements ng importers.
Awtomatikong triple rin ang basic fines dahil prime commodity ang sibuyas.
Ibinasura naman ang kaso laban sa Philippine Vieva Group of Companies Inc. at Vegetable Importers, Exporters & Vendors Association of the Philippines Inc. dahil sa kakulangan ng ebidensiya.
“By imposing the maximum fines, the PCC underscores its commitment to holding cartels accountable across all sectors of the economy and protecting consumers from the harmful effects of anti-competitive conduct,” sabi ni PCC Executive Director Kenneth Tanate.
Bukod sa administrative fines, maaari pang maharap sa hiwalay na criminal prosecution ang mga indibidwal na sangkot sa kartel sa ilalim ng Philippine Competition Act. /Bistado


