Timbog ang isang aktibong pulis at dating sundalo sa operasyon laban sa umano’y iligal na bentahan ng mga baril at bala sa Villasis, Pangasinan noong Martes, October 13.
Isinagawa ang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Pangasinan Provincial Field Unit, katuwang ang Villasis Municipal Police Station.
Kabilang sa mga naaresto ang isang police non-commissioned officer na kasalukuyang nakatalaga sa isang police station sa Nueva Ecija at isang dating miyembro ng militar.
Nakumpiska sa operasyon ang isang 5.56mm rifle, caliber .45 pistol, mga magazine, bala at iba pang kagamitang pinaniniwalaang may kaugnayan sa ilegal na transaksiyon.
Narekober din mula sa aktibong pulis ang isang Philippine National Police-issued 9mm pistol at mga bala matapos ang isinagawang body search.
Nahaharap ang dalawa sa reklamong paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Ipinaalam sa mga suspek ang dahilan ng kanilang pag-aresto at ang kanilang constitutional rights bago dinala sa tanggapan ng CIDG sa Urdaneta City para sa dokumentasyon at kaukulang legal proceedings.
Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang buong detalye ng umano’y ilegal na bentahan ng mga baril at bala, kabilang ang posibleng pananagutan ng aktibong pulis. /Bistado


