Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Dollar shortfall ng Pilipinas, magpapatuloy hanggang 2027—BSP

Inaasahang magpapatuloy hanggang 2027 ang kakulangan sa dolyar ng Pilipinas dahil sa mataas na gastos sa imported na langis at iba pang produkto, mabagal na paglago ng pandaigdigang ekonomiya at geopolitical tensions.

Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), posibleng umabot sa $9.2 bilyon ang balance of payments (BOP) deficit ngayong 2026 at $8.5 bilyon sa 2027.

Ang BOP deficit ay nangangahulugang mas malaki ang kabuuang perang lumalabas sa bansa kaysa pumapasok mula sa mga transaksiyon nito sa ibang bansa.

Mas malaki naman ang inaasahang current account deficit na $19.1 bilyon ngayong taon at $19.4 bilyon sa 2027, pangunahing dahil sa mataas na import bill.

Bagaman patuloy na pumapasok ang dolyar mula sa remittances ng overseas Filipino workers, services sector at electronics exports, hindi pa rin sapat ang mga ito para tumbasan ang malaking agwat sa kalakalan.

Inaasahan namang papasok ang $11.4 bilyong net foreign capital sa 2026 at $11.8 bilyon sa 2027, kabilang ang pangungutang sa ibang bansa ng gobyerno, mga bangko at pribadong kumpanya.

Mananatili rin umanong mahigit $100 bilyon ang gross international reserves ng Pilipinas, na nagsisilbing panangga sa biglaang problema sa pandaigdigang ekonomiya.

Gayunman, maaaring patuloy na maapektuhan ang mga negosyo at kabahayan ng mataas na presyo ng gasolina, transportasyon at imported na produkto.

Posible ring humina ang paggastos ng consumers at mga kumpanya sa huling bahagi ng 2026 dahil sa inflation at mabagal na economic activity.

Para sa BSP, mahalagang mapanatili ang maingat na pangungutang at mapalakas ang kakayahan ng ekonomiya na harapin ang pagbabago sa pandaigdigang presyo ng mga bilihin. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles