Inaasahang babagsak sa mas mababa sa P5 bilyon ang net profit ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ngayong 2026, mula sa P17.46 bilyon noong nakaraang taon.
Ayon kay PAGCOR Chairman at Chief Executive Officer Alejandro Tengco, kabilang sa mga dahilan ang humihinang gaming revenues, mataas na operating costs at dagdag na obligasyon sa Philippine Sports Commission (PSC).
“For 2026, we’re looking at maybe less than P5 billion, way lower (than last year), primarily because we were hit by a few things. Number 1, the Supreme Court ruling against us on the Philippine Sports Commission,” sabi ni Tengco.
Dahil sa desisyon ng Supreme Court, kailangang mag-remit ang PAGCOR ng 5 porsiyento ng gross revenues nito sa PSC, na nagdagdag ng halos P4 bilyon sa obligasyon ng ahensya.
“PAGCOR now is paying 5 percent from the top, so that’s an additional, close to P4 billion,” ani Tengco.
Mula sa dating P180 milyon kada buwan, lumampas na sa P400 milyon ang buwanang remittance sa PSC.
Nakaapekto rin sa gaming revenues ang mabagal na paglago ng ekonomiya at pagtaas ng presyo ng mga bilihin, partikular ang gasolina dahil sa sigalot sa Middle East.
Sa unang kalahati ng 2026, bumaba ng 27 porsiyento ang revenues ng PAGCOR sa P43.33 bilyon, habang sumadsad ng 85 porsiyento ang net income sa P1.59 bilyon.
Dagdag na pasanin ang Casino Filipino operations, na posibleng malugi ng humigit-kumulang P7 bilyon ngayong taon dahil sa sahod, benepisyo at iba pang gastusin.
Dahil dito, isinusulong ng PAGCOR ang paghihiwalay ng regulatory at commercial functions nito.
Plano nitong isapribado ang 12 wholly owned Casino Filipino properties at ibenta o ilipat ang interests nito sa 23 pang casino na may revenue-sharing arrangements.
Inaasahang makakalikom ang transaksiyon ng hindi bababa sa P20 bilyon.
Sa ilalim ng panukala, hindi na direktang sasagutin ng PAGCOR ang gastos sa pagpapatakbo ng mga casino ngunit patuloy itong makakakuha ng 25-percent licensing fee mula sa gross gaming revenue.
Layunin ng hakbang na bawasan ang operating expenses habang nakatuon ang PAGCOR sa regulasyon ng gaming industry. /Bistado


