Sisiliping mabuti ng Senado ang halos P199 bilyong realignment sa panukalang P7.2-trilyong national budget para sa 2027 matapos kuwestiyunin ang malalaking pagbabago sa bersiyong inaprubahan ng Kamara.
Tiniyak ni Senate Finance Committee Chairman Sen. JV Ejercito nitong Martes na magsasagawa ang Senado ng sariling pagsusuri at itatama ang mga alokasyong kinakailangan.
“Once we receive it, we will conduct our own independent review. Hindi po natin basta-basta na lang tatanggapin kung ano man ang ipinasa ng Kamara,” sabi ni Ejercito.
Hindi pa natatanggap ng Senate Finance Committee ang House-approved budget bill.
Ayon kay Ejercito, kailangang malinaw ang batayan ng bawat pagbabago sa pondo, lalo na matapos magpahayag ng pangamba ang budget watchdogs at civil society groups.
“These are serious questions that deserve serious scrutiny, to determine if the allocation of funds is correct, and that amending the budget is part of the legislative process. But any change must have a clear basis that can be explained to the public,” aniya.
Nagpahayag din ng pagkabahala si Senate President Sherwin Gatchalian sa laki ng pondong inilipat sa iba’t ibang budget items.
“Malaki-laki rin ’yung amount. Almost PHP200 billion rin yung lumipat sa loob ng budget, PHP199 [billion] to be exact. So titignan namin mabuti ’yan at titignan rin natin ng maigi kung bakit ganun kalaki ang realignment,” sabi ni Gatchalian.
Kabilang sa mga kinuwestiyon ang iniulat na budget cuts sa foreign-assisted projects gaya ng Metro Manila Subway at iba pang railway projects.
May bahagi umano ng pondo na inilipat sa medical assistance at Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program.
Bago ihanda ang committee report, magsasagawa ang Senate Finance Committee ng isa hanggang dalawang araw na briefing kasama ang civil society groups.
Ang anumang red flags na matutukoy ay ipasasagot sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno.
“One of the most challenging times to be Finance chair is right after the flood control scam. The challenge is great, to restore our people’s trust in the budget process,” ani Ejercito. /Bistado


