Hindi ipagbabawal ang pagbili at pagbebenta ng secondhand cellphones at iba pang gadgets kahit higpitan ng National Telecommunications Commission (NTC) ang regulasyon sa refurbished devices.
Nilinaw ng NTC na para lamang sa mga commercial dealer ang panukalang permit at minimum capitalization requirements, at hindi para sa mga ordinaryong indibidwal na nagbebenta o bumibili ng sariling gamit.
“Maari pa rin bumili o magbenta sa merkado ang mga tao ng sarili nilang gamit. Pinapalawak lang ng NTC ang options nila,” sabi ni NTC Deputy Commissioner Alvin Blanco.
Sa ilalim ng proposed rules, kailangang lisensiyado ang mga negosyong nag-aangkat at nagbebenta ng refurbished devices, at dapat lehitimo ang pinagmulan ng kanilang mga produkto.
Kailangan ding maayos ang kondisyon ng mga gadget, fully functional, compatible sa Philippine mobile networks, at may malinaw na label at grading.
Magiging mandatory rin ang isang taong repair o replacement warranty para sa mga refurbished device na ibebenta ng mga awtorisadong dealer.
Layunin nitong maprotektahan ang consumers laban sa nakaw, smuggled, defective at hindi maayos na na-refurbish na gadgets.
Kasama sa panukala ang minimum capitalization requirement para matiyak na may kakayahan ang dealers na tumupad sa warranty obligations.
Pero hindi ito sakop ng ordinaryong bentahan ng personal na secondhand gadgets, basta hindi commercial quantities ang transaksiyon.
Ayon sa NTC, nais nitong palawakin ang access ng publiko sa mas abot-kayang refurbished 4G at 5G devices at laptops.
Kasama rin sa binabalangkas na regulasyon ang tamang disposal at recycling ng mga gadget na hindi na ligtas o angkop gamitin.
Patuloy pang sinusuri ng NTC ang mga komento ng stakeholders matapos ang public consultation bago pinal na aprubahan ang mga bagong patakaran. /Bistado


