Halos P41 milyong halaga ng tulong pang-agrikultura ang inilaan ng Department of Agriculture (DA) para sa mga magsasaka sa Nasugbu, Batangas, kabilang ang P29.8-milyong solar-powered irrigation project para mapalakas ang produksyon.
Sakop ng P40.95-milyong assistance package ang palay, mais, high-value crops, niyog, farm mechanization at urban agriculture.
“Umaabot sa P40.95 milyon ang kabuuang halaga ng mga tulong na ito, saklaw nito ang mga programang sumusuporta sa produksyon ng palay, mais, mga high-value crop, urban at peri-urban agriculture, mekanisasyon sa sakahan, produksyon ng niyog, at pagpapaunlad ng irigasyon,” sabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Pinakamalaking bahagi ng pondo ang P29.8-milyong Solar-Powered Irrigation System (SPIS) na ipatutupad sa pamamagitan ng Bureau of Soils and Water Management (BSWM).
Layunin nitong magkaroon ng mas maaasahang suplay ng tubig ang mga sakahan habang binabawasan ang pagdepende sa karaniwang pinagkukunan ng kuryente para sa irigasyon.
Sa production assistance, P6.2 milyon ang inilaan sa Rice Program, P1.2 milyon sa Corn Program at P545,000 sa High Value Crops Development Program.
May P62,500 din para sa National Urban and Peri-Urban Agriculture Program.
Magbibigay naman ang Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) ng P2.1 milyong tulong, habang P1.1 milyon ang nakalaan mula sa Philippine Coconut Authority (PCA) para sa coconut farmers.
Pinangunahan ng DA Regional Field Office IV-A ang paghahatid ng suporta katuwang ang BSWM, PhilMech at PCA.
Itinakda ang pamamahagi ng tulong noong October 9 sa Looc I & II Covered Court sa Barangay Looc, Nasugbu.
Inaasahang makikinabang ang mga magsasaka ng palay, mais, high-value crops at niyog sa mga kagamitan, production inputs at karagdagang pasilidad para sa irigasyon.
Target ng DA na mapataas ang ani, mabawasan ang gastos sa produksyon at masuportahan ang kabuhayan ng mga magsasaka sa Nasugbu. /Bistado


