Pinalayas ng Philippine Coast Guard (PCG), sa tulong ng Philippine Marine Corps at Philippine Navy, ang Chinese Maritime Militia Vessel 9622 at 22 sampans matapos pumasok ang mga ito sa territorial sea ng Kota Island sa West Philippine Sea noong October 9.
Ayon sa National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS), ilegal na nangisda ang mga Chinese vessel at may ulat ding nagtapon ang mga ito ng basura sa dagat. Isa sa mga sampan ang umabot sa layong 250 metro mula sa baybayin ng isla.
Nang lapitan ng mga tauhan ng Pilipinas, nagmaniobra ang Chinese mothership at pinalibutan ang kanilang mga bangka. Inangkin pa umano ng kapitan nito na teritoryo ng China ang lugar at inutusan ang Philippine personnel na umalis.
Sa kabila nito, nagpatuloy ang pagtugon ng PCG, Marines at Navy hanggang makaalis ang lahat ng Chinese vessel sa karagatang sakop ng Kota Island.
Mariing kinondena ng NTF-WPS ang insidente. Iginiit nitong bahagi ng Kalayaan, Palawan ang Kota Island at nasa ilalim ng soberanya ng Pilipinas ang territorial sea nito.
Tinukoy rin ng task force ang paglabag sa Republic Act No. 12064 o Philippine Maritime Zones Act at Republic Act No. 8550 o Philippine Fisheries Code, na inamyendahan ng Republic Act No. 10654, dahil sa unauthorized fishing.
Wala rin umanong batayan sa international law ang pag-angkin ng China sa lugar.
Pangalawang beses na itong naiulat na pagpasok ng parehong Chinese militia vessel malapit sa Kota Island sa loob ng wala pang dalawang linggo.
Noong September 28, namataan ang barko bandang alas-10 ng umaga, humigit-kumulang 1.2 nautical miles hilagang-kanluran ng isla.
Nagpakalat ito ng 24 sampans na may tig-dalawang sakay at nakalapit hanggang 300 yards mula sa baybayin.
Limang PCG personnel ang ipinadala sakay ng rubber boat para harapin ang mga Chinese vessel. Hindi sumagot ang mga tripulante sa radio challenge, ngunit kinilala nila sa pamamagitan ng hand signals ang utos na umalis.
Pinuri naman ng NTF-WPS ang koordinadong pagkilos ng PCG, Philippine Marine Corps at Philippine Navy sa pinakahuling insidente.
Tiniyak nitong magpapatuloy ang suporta sa mga ahensyang nagbabantay sa teritoryo at karapatang pandagat ng Pilipinas, kasabay ng pagtutol sa paulit-ulit na pagpasok at mapuwersang pagmamaniobra ng mga dayuhang barko sa West Philippine Sea. /Bistado


