Asahan ang pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon, Visayas at Mindanao ngayong Linggo, October 11, dahil sa Intertropical Convergence Zone (ITCZ) at easterlies, habang dalawang bagyo ang binabantayan sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon sa 4 a.m. weather forecast ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Bicol Region, Mimaropa, Western Visayas, Negros Island Region at Mindanao dahil sa ITCZ.
Ganito rin ang panahon sa Metro Manila, Calabarzon, ilang bahagi ng Cagayan Valley, Aurora, Nueva Ecija at Bulacan dahil naman sa easterlies o hanging nagmumula sa silangan.
Maulap na may pag-ulan ang Batanes dahil sa northeasterly windflow, na posibleng magdulot ng flash floods at landslides.
Sa natitirang bahagi ng Visayas at Luzon, partly cloudy hanggang cloudy skies na may isolated rain showers o thunderstorms ang inaasahan dahil sa ITCZ at localized thunderstorms.
Nagbabala ang Pagasa sa posibleng biglaang pagbaha at pagguho ng lupa kapag lumakas ang ulan.
Samantala, patuloy na binabantayan ang Typhoon Koguma at isang tropical depression sa labas ng PAR.
Batay sa 3 a.m. monitoring, namataan si Koguma sa layong 2,795 kilometro silangan-hilagang-silangan ng extreme Northern Luzon.
Taglay nito ang maximum sustained winds na 175 kilometers per hour malapit sa gitna at bugso na hanggang 215 kph. Kumikilos ito pahilagang-kanluran sa bilis na 20 kph.
Ang tropical depression naman ay nasa 2,940 kilometro silangan ng Southern Luzon, na may lakas ng hanging 45 kph at bugso na hanggang 55 kph. Kumikilos ito pasilangan-hilagang-silangan sa bilis na 20 kph.
Sa 8 a.m. update nitong October 11, kinumpirma ng Pagasa na kapwa nananatili sa labas ng PAR ang Typhoon Koguma at Tropical Depression LPA 10a.
Pinayuhan ang publiko na patuloy na subaybayan ang mga susunod na weather updates, lalo na sa mga lugar na posibleng makaranas ng malakas na ulan, pagbaha at landslides. /Bistado


