Pinatitiyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi maaabala ang mga motorista sa pinalawak na pagpapatupad ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro nitong Biyernes, October 9, nakikipag-ugnayan na si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando Artes sa mga lokal na pamahalaan para maayos ang implementasyon ng NCAP sa EDSA, Roxas Boulevard, Commonwealth Avenue at Ortigas Avenue.
Partikular na pinaiiwasan ang mga teknikal na problema, pagkalito sa sistema at posibleng pagsasapawan ng mga NCAP camera ng MMDA at local government units (LGUs).
“Maiaayos na kung anuman ang gusot dito, kung magkaroon ng mga technical issues dito. Maaayos naman ito. Ang nais ng Pangulo, ang laging utos ng Pangulo, hindi dapat magdusa ang ating mga kababayan sa mga isyung kaya namang iresolba,” ani Castro sa press briefing sa Singapore.
Makikipag-coordinate din ang mga LGU sa MMDA sa paglalagay ng traffic cameras para maiwasan ang pagdoble ng monitoring sa iisang lugar.
Naibalik ang NCAP sa ilang lungsod sa Metro Manila noong Lunes, October 5, matapos alisin ng Supreme Court ang temporary restraining order laban sa programa. /Bistado


