Nagbabala ang Bureau of Internal Revenue (BIR) laban sa pekeng website na ginagaya ang Online Registration and Update System (ORUS) nito at posibleng maglagay sa panganib sa personal na impormasyon ng taxpayers.
Ayon sa BIR nitong Biyernes, October 9, dapat iwasan ang website na orus.ph dahil maaari itong magpakita ng kahina-hinalang pop-ups, unfamiliar prompts at iba pang posibleng mapanganib na content.
Pinayuhan ng ahensya ang publiko na huwag buksan o gamitin ang naturang website, maglagay ng personal information, o magbigay ng anumang permission na hinihingi nito.
Para sa ligtas na online transactions, dapat gamitin lamang ang opisyal na ORUS portal sa https://orus.bir.gov.ph/.
Pinaalalahanan din ang taxpayers na suriing mabuti ang website address bago magbigay ng personal o tax-related information para makaiwas sa posibleng phishing at iba pang cyber threats.
“The BIR takes the security of taxpayer information seriously. Taxpayers who encounter suspicious pop-ups, unfamiliar links, or webpages claiming to be associated with the Bureau are advised to document and report these incidents to the BIR for verification,” ayon sa ahensya.
Hinimok din ng BIR ang publiko na ireport ang mga kahina-hinalang website at links na nagpapanggap na opisyal na government platforms.
“The public is reminded to remain vigilant against websites that imitate official government platforms and to access only official BIR online services,” dagdag ng BIR. /Bistado


